NAIBALIK na sa kanyang mga magulang ang isang taon at pitong buwang sanggol na dinukot ng isang babaeng pulubi sa Novaliches Quezon City nitong Martes.
Ayon kay Novaliches Police Station 4 commander Lt. Col. Michael John Villanueva, isang mag-asawang pansamantalang nag-aalaga sa bata ang nagbalik matapos mabalitaan ang pagdukot sa sanggol.
Dinala umano ng suspek na babaeng pulubi ang bata hanggang sa Caloocan City kung saan sila huminto sa isang convenience store malapit sa Sangandaan.
Ayon naman sa mag-asawa, iniwan umano sa kanila ng babae ang sanggol sa labas ng convenience store at pinakiusapan na hawakan muna para makapaligo.
Pero ilang oras na umano ang nakalipas ay hindi bumalik ang babae kaya nagpasya ang mag-asawa na iuwi ang bata sa kanilang bahay at doon ay binigyan ng maayos na damit, pinakain at pinatulog sa magandang lugar.
Labis naman ang kasiyahan ng mga magulang ng sanggol na mag-asawa na ligtas na nakabalik sa kanila lalo pa’t nalalapit na ang araw ng Pasko.
Una nang naaresto ang babaeng pulubi na sinampahan ng kasong child abuse at kidnapping matapos aminin na dinukot niya ang sanggol para sa paglilimos. (LILY REYES)
