SA kabila ng araw-araw na hamon ng pagbabalita, muling pinatunayan ng MPD Press Corps na ang tungkulin ng media ay limitado sa paghahatid ng balita, kundi maging tulay ng malasakit sa kapwa.
Pinangunahan ng MPD Press Corps sa pamumuno ni President Jonjon Reyes, katuwang ang Manila Police District (MPD) sa pangunguna naman ni District Director PBGEN Arnold Abad, katuwang si MPD Public Information Office (PIO) chief Major Philipp Ines at isang pribadong grupo, ang isinagawang Christmas gift-giving activity para sa humigit-kumulang 200 street dwellers at homeless individuals sa Maynila.
Namahagi ang mga organisador ng Christmas gift packs na naglalaman ng bigas, delata, noodles, at mga pasalubong—mga simpleng tulong na nagbigay ng pansamantalang ginhawa at pag-asa sa mga taong nasa lansangan ngayong kapaskuhan.
Ayon sa MPD Press Corps, ang aktibidad ay bahagi ng kanilang panlipunang pananagutan bilang mga mamamahayag na sa kabila ng puyat, panganib, at hirap na kalakip ng trabaho, ay patuloy na nagsisilbi sa publiko—hindi lamang sa pagbabalita, kundi sa aktwal na pagtulong sa kapwa.
Isinagawa ang pamamahagi nang maayos at may koordinasyon sa MPD upang matiyak ang kaayusan at kaligtasan ng mga benepisyaryo.
Pagtitiyak ng grupo, sa likod ng kamera at mikropono, ang media ay nananatiling kaagapay sa serbisyo, at patuloy na nagiging boses at kamay ng malasakit para sa mga higit na nangangailangan.
