TUMANGGAP ng tig-P10,000 financial subsidy at sampung kilo ng bigas ang nasa 452 security guards, janitors, dishwashers at iba pang utility personnel mula sa Department of Social Welfare and Development (DSWD), sa pakikipagtulungan na rin ng Office of the Speaker sa isinagawang Ayuda sa Kapos ang Kita Program (AKAP) payout sa People’s Center ng House of Representatives sa Batasan Hills, Quezon City kamakailan.
Bakas sa mukha ng mga benepisyaryo, na labis ang pasasalamat sa DSWD at opisina ni Speaker Romualdez, ang kasiyahan sa natanggap na tulong.
Nabatid mula sa Office of the Speaker na ang pagpapaabot ng cash aid sa daan-daang AKAP beneficiaries na ito ay siyang kauna-unahang ginanap sa loob ng Batasan Complex.
Ang nasabing aktibidad ay bilang pagkilala rin sa hindi matatawaran kontribusyon ng mga nabanggit na manggagawa para sa maayos at epektibong araw-araw na operasyon ng Kamara.
“This activity recognizes the valuable contributions of said workers to the daily operations of the House, ensuring that all its facilities function at its best. Hence, it is only fitting that they too, experience and benefit from government programs, and are not left behind,” saad sa kalatas ng kampo ni Romualdez.
Umaasa ang lider ng Kamara na ang perang tinanggap ng nabanggit na AKAP beneficiaries ay makatutulong upang makaagapay sa mataas na gastusin. (Romeo Allan Butuyan II)
