ANG nanghuhuli ng mga taong lumalabag sa batas, inaresto ng mga kapwa alagad ng batas.
Ito ang nangyari sa tatlong pulis na inaresto at agad sinampahan ng kaso matapos manggulo sa loob ng isang KTV bar sa Quezon City.
Sa impormasyong ibinahagi ng Philippine National Police (PNP), Oktubre 31 pa inaresto ang tatlong pulis sa Reins KTV Bar kung saan umano nagwala ang mga hindi pinangalanang suspek.
Kwento ng isang operatibang rumesponde sa tawag ng saklolo, nagkalat ang basag na bote ng alak sa naturang establisyemento dahil sa pagwawala ng tatlong kabaro.
Agad naman disnisarmahan ang tatlong pulis na itinurn-over sa Criminal Investigation and Detection Unit ng Quezon City Police District kaugnay ng paglabag sa Article 155 ng Revised Penal Code o Alarms and Scandal.
Samantala, tiniyak ni acting Chief PNP Lt. Gen. Jose Melencio Nartatez Jr., na hindi kinukunsinti ng PNP ang anumang uri ng paglabag sa hanay ng mga unipormado.
“Bawat pulis ay may pananagutan, at patuloy kaming nakatuon sa pagpapanatili ng tiwala ng publiko sa pamamagitan ng mahigpit na disiplina at matatag na integridad sa buong organisasyon,” paliwanag ng hepe ng pambansang pulisya. (LILY REYES)
