SA pagamutan na binawian ng buhay ang mga driver ng nagsalpukang sasakyan sa bayan ng Alaminos sa lalawigan ng Laguna.
Kinilala ang mga pumanaw na biktima na sina Edward Ruello at Rollie Collantes na kapwa driver ng nagsalpukang motorsiklo at commuter van.
Sa ulat ng lokal na pulisya, salubungin ng Nissan Urvan na minamaneho ni Collantes ang motorsiklo ni Ruello matapos tangkain mag-overtake sa kahabaan ng Kalye Del Pilar sa kabayanan ng Alaminos dakong alas 12:20 kaninang madaling araw.
Sugatan din ang walong iba pang sakay ng van. Ayon sa pulisya, pawang opisyales ng Sangguniang Kabataan ang mga biktimang nagmula pa sa Tabaco City sa Albay.
Samantala, patay rin ang isang 34 taong gulang na computer technician habang sugatan ang kaniyang back rider matapos masalpok ng isang ambulansya sa bypass road sa Barangay Tumbaga 1, Sariaya, Quezon.
Kinilala ang biktima sa pangalang Dempster ng Tayabas City. Patuloy naman ang paglalapat ng lunas kay Maureen Mendez na angkas ni Dempster.
Kwento ng mga saksi, binabaybay ng motorsiklo ang daan patungo sa Barangay Sampaloc 2 nang biglang salpukin ng ambulansyang mula sa bayan ng Guinayangan sa nabanggit na lalawigan.
Batay sa salaysay ng driver ng ambulansya, pag-aari ng San Pablo City government ang nakabanggang sasakyan. Sinubukan pa umano niyang iwasan ang motorsiklo subalit inabot pa rin ng minamanehong sasakyan.
Dead on arrival ang motorcycle rider habang isinasailalim pa sa obserbasyon ang angkas na babae.
