
TRABAHO ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang pamamahagi ng ayuda sa mga maralita, ayon kay Senador Ronald dela Rosa kasabay ng panawagan sa mga kapwa politiko na iwasan muna dumalo sa pamamahagi ng tulong sa ilalim ng Ayuda sa Kapos ang Kita Program (AKAP).
Paglilinaw ni dela Rosa, walang masama sa pagbibigay ng tulong sa mga pamilya at indibidwal na sadyang nangangailangan ng tulong mula sa pamahalaan.
Gayunpaman, nanindigan ang senador na dapat dumistansya ang mga politiko at hayaan na lamang sa DSWD ang pagtukoy at pangangasiwa sa pamamahagi ng ayuda sa sektor ng maralita.
Babala ni Mindanaoan senator, programa ng gobyerno at hindi nbg mga politiko ang ang AKAP at iba pang social assistance programs ng gobyerno. Hindi rin aniya dapat gamitin ang ayuda para makaakit ng boto sa nalalapit na 2025 national at local elections.
“Kung tutuusin sana, kung out of the picture ang politiko dyan, totally ha, let the DSWD do it, distribute it– that is government’s money, that is people’s money, ibigay ‘yan sa taumbayan– then without the presence of the politicians, without the politicians’ intervention, napakaganda sana,” pahayag pa ng senador.
“Pambili ng boto yan. Ano pa ba ang isipin natin… talagang ginawa yan ng House of Representatives for their own consumption, for whatever kung anong gusto nilang gawin, pero DSWD pa rin ang nag-iimplement… I strongly oppose that particular item in the budget,” dugtong niya.
Panawagan si dela Rosa sa Commission on Elections (Comelec), ipagbawal muna ang pamamahagi ng ayuda sa panahon ng kampanya.
“Most likely, it will influence your decision come election day… so, dapat ipagbawal ng Comelec ito,” sabi pa niya.
Ayon sa senador na nagsilbing hepe ng Philippine National Police (PNP) bago pa man pumalaot sa pulitika, walang problema sa kanya kung hindi mabibigyan ang kanyang opisina ng alokasyon para sa AKAP mula sa bilyong-bilyong inilaan sa ilalim ng 2025 national budget.
“I will not take it. Kahit na hirap ako sa eleksyon, kahit na wala akong pampalubag loob doon sa kung sinong dapat lulubagin natin ng loob, I will just appeal to their moralities na wala akong maibigay sa inyo,” anang reelectionist senator na minsan nang nanindigan laban sa paglalaan ng budget sa AKAP.
“Sabihan ko yung liderato ng Senado na ibigay na lang yan sa ibang mga senador. ‘Wag na lang ako isama,” dagdag ng senador kaugnay ng usap-usapan sa umano’y P5-bilyong AKAP funds na inilaan sa mga senador.