ANIM na buwan bago ang takdang araw ng halalan, pinatawan ng anim na buwang preventive suspension ng Office of the Ombudsman si Albay Gov. Grex Lagman kaugnay ng kasong direct bribery na inihain ng isang aminadong kasador ng sindikato sa likod ng jueteng operations sa nasabing lalawigan.
“I will fight this legally flawed preventive suspension. As a lawyer, the same has absolutely no legal basis. Even freshman law students are in agreement,” wika ni Lagman sa isang pahayag.
Para kay Lagman, kahina-hinala ang inilabas na preventive suspension order dahil sa papalapit na eleksyon.
Sa inilabas ng suspension order, pansamantalang hahalili bilang punong lalawigan ng Albay si Vice Governor Glenda Ong Bongao.
“The event I was expecting has come to pass. I have received my preventive suspension order from the Ombudsman today. Therefore, VG Glenda has to assume as Acting Governor at the soonest possible time,” aniya pa.
Nag-ugat ang kaso sa reklamong inihain ni Alwin Nimo na dating kapitan ng Barangay Anislag sa bayan ng Daraga.
Sa sinumpaang salaysay na isinumite sa Ombudsman, inamin ni Nimo siya ang kasador at bagman ng sindikato sa likod ng operasyon ng jueteng sa Albay.
Paratang ni Nimo, tumanggap ng hindi bababa sa P8 milyong suhol si noo’y Vice-Gov. Lagman kapalit ng proteksyon sa sindikato.
Tugon naman ni Lagman — “All the allegations in the complaint are false and are driven by political motives. I have never received any jueteng payola.”
Taong 2022 nang muling mahalal si Lagman bilang Vice-Governor. Matapos ang anim na buwan, umakyat sa pwesto si Lagman bilang gobernador matapos matanggal si Noel Rosal dahil sa paglabas sa Omnibus Election Code.
