NI ROMEO ALLAN BUTUYAN II
“THE Secretary and the Senior Disbursing Officer are the only ones who are privy,” ang walang kagatol-gatol na sagot ni Michael Poa na tumatayong tagapagsalita ng Office of the Vice President (OVP) kaugnay ng kontrobersyal na isyu ng confidential fund ng Department of Education mula 2022 hanggang 2023.
“It would probably be the Secretary or the ones responsible for the confidential funds,” tugon ni Poa sa tanong ni Bukidnon 2nd District Rep. Jonathan Keith Flores sa pagdinig ng House committee on good government and public accountability.
Para kay Flores, hayagang pag-amin ang tinuran Poa na nagsabing tanging si Duterte at DepEd Senior Disbursing Officer (SDO) Edward Fajarda, ang may kontrol kung paano at saan gagamitin ang milyong-milyong confidential funds ng departamento.
Sa naturang House inquirer, ginisa si Poa sa ginawa nitong paggamit ng mga sertipikasyon mula sa Armed Forces of the Philippines (AFP) upang bigyang-katwiran ang paggastos ng P15 milyong confidential fund ng DepEd, na batay sa liquidation report na isinumite sa Commission on Audit (COA) ay sinasabing ginamit na pabuya para sa mga impormante.
“You are using certifications from another agency, which didn’t spend a peso from your office, to justify your expenses. It’s confusing,” giit ni Flores.
Pag-amin ni Poa, hindi niya alam na ang mga aktibidad ng AFP ay walang kaugnayan sa confidential funds ng DepEd.
Paglilinaw pa ng spokesperson ni Duterte, layon ng mga sertipikasyon ipakitang nagbigay ang DepEd ng impormasyon sa AFP tungkol sa mga lugar na nangangailangan ng mga seminar, ngunit inamin niyang hindi ito malinaw na nakaugnay sa paggastos ng DepEd.
Para makaiwas sa indulto, iginiit ni Poa na sinunod lang niya ang proseso batay sa mga dokumentong nasa kanya.
Nang tanungin tungkol sa kung sino ang may huling pasya sa paggamit ng mga confidential funds, itinuro ni Poa si VP Duterte at si Fajarda.
Samantala, kinumpirma naman ng isang DepEd official ang pagtanggap niya ng mga envelope na may lamang pera mula kay noo’y Education Secretary Duterte.
Ayon kay DepEd director at dating Bids and Awards Committee (BAC) chairman Resty Osias, apat na envelope ang natanggap niya noong 2023 at ang laman ay P12,000 hanggang P15,000.
“I must say, I thought it was a common practice in the department. The very first time I encountered that matter was sometime in April of 2023,” sabi ng opisyal.
“I didn’t know why I was summoned to the office of Asec Shine. And then, I was given an envelope. It was later on I found out there was money in it. It’s not because I’m not yet a BAC member at that time,” pahayag pa niya.
Sa naunang pagdinig ng komite, sinabi ni DepEd Usec Gloria Mercado na dating Head of Procurement Entity, siyam na envelope na naglalaman ng P50,000 bawat isa ang kanyang natanggap mula kay Duterte.
