MATAPOS pwersahang isara ng lokal na pamahalaan ng Panglao ang Villa Tomasa Alona Kew Resort, naghahabol ngayon ang hindi bababa sa 300 turista para mabawi ang binayad na pera para sa advance booking sa naturang establisyemento.
Sa isang liham na ipinadala ng isang nagngangalang Celine Ambrosio, nasa P2.3 milyon ang kabuuang halaga ng advance payment na tinanggap ng Villa Tomasa sa mga pamilyang hangad lamang masilayan ang nakabibighaning pasyalan sa naturang bayan.
“Napabayaan na kaming mga tourists and until now di pa din nakakuha ng refund since magsara ang Villa Tomasa,” saad ni Ambrosio sa kanyang liham.
Sinubukan na rin aniya nilang makipag-ugnayan sa nangangasiwa ng resort subalit pawang automated response ang tugon.
“We have tried all means to communicate with their management pero wala kaming nakuhang support. Puro automated response sa Facebook page nila, wala rin kami makausap sa phone or email,” dugtong ng turistang nasuba.
Nang balikan ang Villa Tomasa, wala rin aniya silang nakausap maski isa.
“Some of us personally dropped by pa sa office ng Villa Tomasa… However laging walang tao ung office. Tinataguan po nila kami. Please understand that we are only tourists and yung time namen in Panglao is very limited yet we went out of our way na puntahan sila pero wala din kami napala,” aniya pa.
Maging ang lokal na pamahalaan, nilapitan na rin di umano ng grupong binubuo ng 200 turistang naghahabol sa kanilang pera.
“Nag-reach out na kami sa LGU ng Panglao, Mayor’s Office, Vice Gov office but none of them can help us due to ongoing legal issues between Panglao LGU and the Guardos.”
Sinubukan na rin aniya ng grupo magpasaklolo sa Department of Tourism (DOT) pero tumanggi ang kagawaran dahil hindi naman umano DOT-accredited ang Villa Tomasa.
“Hindi din po kami matulungan ng DOT kasi apparently hindi naman accredited ng DOT ang Villa Tomasa and other branches nila.”
Buwan ng Mayo nang ipasara ni Panglao Mayor Edgardo Arcay ang Villa Tomasa dahil sa kawalan ng kaukulang permit mula sa lokal na pamahalaan.
Tugon naman ng abogado ng establisyemento, makailang ulit na anila silang nag-apply ng business permit pero tinabla ng lokal na pamahalaan.
Sinampahan na ng kasong kriminal sa Provincial Prosecutors Office si Mayor Arcay na pwersahan di umano pinasara ang establisyemento kahit di pa tapos ang 5-year lease agreement sa inuupahan lupa.
Sa gitna ng demanda at kontra demanda ng magkabilang panig, hindi maitago ng mga turista ang pagkadismaya.
“Kaming tourists ang naiipit. Kung di kami matulungan ng LGU at di kami tinutulungan ng management ng Villa Tomasa, media na lang po siguro ang makakatulong sa amin,” himutok ni Ambrosio na tumatayong tagapagsalita ng grupo.
