MATAPOS yanigin ng eskandalo ang Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) bunsod ng di umano’y dayaan sa palarong lotto, nabisto naman ang game-fixing sa isa pang kinahuhumalingan ng mga Pilipino – ang larong bingo sa malalaking establisyemento.
Sa kasong estafa na inihain kamakailan ng Grand Polaris Gaming Corporation, lumalabas na posible ang game-fixing sa mga sangay ng BingoPlus kung saan naganap di umano ang maneobra ng isang mananaya sa tulong ng tatlong empleyado.
Batay sa imbestigasyon ng pulisya, nagsabwatan di umano ang mga empleyado ng BingoPlus na sina Jefferson Castillo, Catherine Vargas, at Liwliwa Viloria, at ang player na si Rafael Ramirez para dayain ang resulta ng Bingo Milyonaryo sa sangay ng BingoPlus sa SM City Cauayan.

Ayon sa reklamo ng Grand Polaris, operator ng isa sa pinakamalaking mall-based bingo games sa bansa, naghati-hati di umano sina Castillo, Vargas, Viloria at Ramirez sa P3.96 milyong jackpot prize noong Enero 19 ng kasalukuyang taon.
Sa reklamo ng Grand Polaris Gaming Co. Inc., operator ng BingoPlus, inakusahan ang mga suspek na nakikilahok sa “game fixing activities” upang tiyakin na manalo si Ramirez sa jackpot ng Bingo Milyonaryo noong Enero 19, 2024.
Kabilang sa mga ebidensyang kalakip ng reklamo ang audit findings at kuha ng CCTV kung saan naaktuhan ang tatlong empleyado sa ginawang bulilyaso.
