MALAYO pa ang lalakbayin ni Secretary Vince Dizon sa isinasagawang paglilinis ng Department of Public Works and Highways (DPWH).
Sa isang kalatas, inamin ni Dizon na dawit din sa extortion ang mga opisyales ng DPWH Pampanga 2nd District Engineering Office na pakay ng reklamong inihain ng mga kontratista ng mga proyekto ng ahensya sa nasasakupang distrito.
Bilang tugon, agad na tinanggal sa pwesto sina Ranilo Magtoto, chief ng Maintenance; Arnold Domingo, Engineer III ng Construction Section; at Jefferson Guinto, Engineer III rin ng Construction Section.
Ang dahilan — pangingikil at paghingi ng 8 percent commission sa bawat proyekto ng ahensya sa Pampanga 2nd District Engineering Office.
“Nakakuha tayo ng report a few days ago, na mayroong mga tao na DPWH officials sa District 2, District Engineering Office na nangingikil at humihingi ng porsyento up to 8 percent sa mga kontrata ng DPWH,” wika ng Kalihim.
“I’m announcing today that effective now, they are relieved and suspended. We will conduct a full-blown investigation kung totoo ba ‘yung report na natanggap ko,” pahabol ni Dizon.
