SA tindi ng pagkadismaya sa kabi-kabilang katiwalian sa pamahalaan, daan libong Pilipino mula sa iba’t ibang sektor ng lipunan ang dumalo sa magkahiwalay sa kilos protesta sa Maynila at maging sa makasaysayang EDSA.
Partikular na kinondena ng mga raliyista kabilang ang kabataan, kababaihan, propesyonal, estudyante, maralitang tagalungsod, manggagawa, artista, at mga lider ng simbahan ang korapsyon sa gobyerno.
Bitbit ang mga karatula, kinondena ng mga demonstrador ang kabiguan ng gobyerno pangalagaan ang kaban ng bayan, kasabay ng panawagan panagutin ang mga bigating personalidad na sangkot sa mga anomalya — kabilang ang anila’y lantarang pagnanakaw ng pondong nakalaan para sa mga flood control projects ng Department of Public Works and Highways (DPWH).

Sa pagtataya ni Senador Panfilo Lacson na tumatayong chairman ng Senate Blue Ribbon Committee, hindi bababa sa P3-trilyon ang ginahasa ng mga tinaguriang buwaya sa naturang ahensya.
Kabilang sa mga pinaniniwalaang bahagi ng anomalya ang anim na senador senador, 17 kongresista mula sa Kamara — kabilang si dating House Speaker Martin Romualdez at Ako-Bicol partylist Rep. Zaldy Co na sinasabing nagtatago na sa ibang bansa.
Bukod sa Metro Manila, nagdaos rin ng demonstrasyon ang mga mamamayan sa labas ng National Capital Region.
Sa EDSA, hindi mahulugang karayom ang tagpo, habang binalot naman ng karahasan ang kilos protesta sa lungsod ng Maynila. Sa huli, 17 ang arestado sa sagupaan sa pagitan ng mga pulis at demonstrador.
Batay sa inisyal na impormasyon, dalawa ang nasaktan kabilang ang isang mamamahayag at militanteng lider na si Renato Reyes. (FERNAN ANGELES)
