HINDI bababa sa 17 katao ang inaresto ng Manila Police District (MPD) matapos mauwi sa karahasan ang kilos-protestang isinagawa sa lungsod ng Maynila laban sa malawakang katiwalian sa pamahalaan.
Sa ulat ng MPD, naganap ang gulo matapos umano maghagis ng molotov bomb ang mga raliyista sa mga pulis-Maynila sa Ayala Bridge malapit sa panulukan ng Romualdez at Mendiola Street sa nabanggit na lungsod.
Bukod sa molotov, nagpaulan din umano ng bato ang humigit kumulang 400 demonstrador, nanunog ng trailer truck at nanira ng mga istruktura ng mga pribadong establisyemento.

Mabilis na rumesponde ang mga bumbero para apulahin ang apoy. Nasa ilalim na ng kustodiya ng MPD ang mga hindi pinangalanang indibidwal na lumahok sa marahas na kilos-protesta.
Pagtitiyak ng lokal na pulisya, sasampahan ng kaukulang kaso sa husgado ang mga inaresto. (ITOH SON)
