
LAHAT ng problema may katapat na solusyon, ayon kay senatorial aspirant at former Ilocos Sur Gov. Luis “Chavit” Singson sa aniya’y isinusulong na programang public utility vehicle modernization program ng pamahalaan.
Sa isang pulong-balitaan, partikular na inalok ni Singson ang tinawag niyang “state of the art e-jeepney” sa tinaguriang Magnificent 7 na binubuo ng transport groups — ang Pasang Masda, Alliance of Transport Operators and Drivers Association of the Philippines, Alliance of Concerned Transport Organizations, Federation of Jeepney Operators and Drivers Association of the Philippines, Stop and Go Transport Coalition, at Liga ng Transportasyon at Operators.
Katunayan aniya, nakatakda nang magsimulang gumawa sa susunod na taon ng modern jeep ang kanyang planta sa lalawigan ng Batangas — “My factory from South Korea, worth P500 million, is arriving soon, and we will begin mass production by December or January.”
Para sa dating gobernador, hindi angkop na pahirapan ang mga tsuper at operator sa pagtalima sa PUV Modernization program ng pamahalaan, kasabay ng panawagan ng pamahalaan na ikonsidera ang daang-libong pamilya ng mga umaasa sa arawang kita.
Dapat din umanong isulong ng gobyerno ang isang “sustainable and efficient public transport network” sa bansa – bagay na posible lang kung hindi na aasa sa produktong petrolyo ang mga sasakyang pamasada.
“Dapat hindi rin makadagdag sa polusyon ang modern jeeps,” anang dating gobernador.
Batay sa disenyong ipinrisinta ni Singson, may kakayahang magsakay ng 28 pasahero ang airconditioned modern e-jeeps na aniya’y solusyon sa nagbabadyang krisis sa public transportation.
Higit pa sa disenyo, abot-kaya rin ang presyo.
At para tiyakin epektibo ang implementasyon ng PUV Modernization Program, handa ang dating gobernador ibigay sa halagang P1.2 milyon ang bawat unit ng modern e-jeep na babayaran sa “installment basis” — nang hindi na kailangan ng anumang koleteral.
“Pero teka, hindi pa yun ang climax ng programa ko. I will provide all electric vehicles: electric jeepneys, electric tricycles — without any down payment, with zero interest,” bulalas ng 2025 senatorial aspirant.
“Lahat na plataporma ko, yung ginagawa ko na. Hindi ako yung klase ng mangangako tapos sa bandang huli mapapako. Itong alok ko sa inyo (transport groups), kasado na… approal na lang ng Department of Transportation.”
Samantala, nagpahayag ng suporta ang Magnificent 7 sa kandidatura ni Singson para sa 2025 senatorial race.
“We are expressing our support for Manong Chavit as our candidate — someone who has a word of honor. When he says something, he does it,” wika ni LTOP national president Orlando Marquez.
Ani Marquez, si Singson lamang ang nakapaglatag ng mekanismong magbibigay daan sa matagumpay na implementasyon ng PUV Modernization Program ng pamahalaan.
Batay sa pag-aaral ng Asian Development Bank Study, posibleng pumalo sa P5 bilyon kada araw (mula sa P3.5 bilyon na naitala noong 2017) ang nawawalang kita bunsod ng mabigat na daloy ng trapiko — bagay na target solusyonan ng PUV Modernization Program ng gobyerno.
Gayunpaman, hindi kinagat ng mga tsuper at operator ng mga tinaguriang traditional jeep ang panuntunan ng gobyerno sa pagsusulong ng PUV Modernization Program. Anila, hindi abot-kaya ang mga itinutulak ng modern jeeps mula sa bansang China — P2.8 milyon kada unit.
“Ito mismo ang nagtulak sa akin na humanap ng solusyon para sa maayos na implementation ng PUV Modernization Program. Aminin natin, hindi talaga nila kakayanin yung presyo ng mga modern jeeps na nirerekomenda ng DOTr,” anang dating Ilocos Sur Governor.