KASUNOD ng pinakabagong resulta ng survey kung saan naitala ang mas mataas na bilang ng mga pamilyang dumaranas ng gutom, target ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na gamitin ng food stamp program ng gobyerno bilang tugon sa dusang kinasadlakan ng mga maralitang Pilipino.
Batay sa non-commissioned survey na pinangasiwaan ng Social Weather Station (SWS) sa ikatlong linggo ng nakalipas na buwan, 14.2% ng kabuuang bilang ng mga pinulsuhan ang aminadong dumanas ng tinatawag na “involuntary hunger” o sadyang walang pagkain sa hapag-kainan.
Nasa 12.2% naman ang nagsabing dumaranas ng panaka-nakang pagkalam ng sikmura.
Subalit lubos na alarma ang DSWD sa 2% ng mga respondents (katumbas ng 3.9 milyon ng kabuuang populasyon ng bansa) na dumaranas ng matinding gutom sa nakalipas na tatlong buwan.
“Yung food insecurity na 2% ang target ng food stamp program na ma-address,” ayon kay Assistant Secretary Irene Dumlao na tumatayong tagapagsalita ng DSWD.
“Dalawang ang objectives natin. Una, bawasan ang bilang ng mahihirap na Pilipinong dumaranas ng involuntary hunger and malnutrition. Ikalawa, matulungan sila magkaroon ng trabaho, magkaroon ng kasanayan o kakayahan para maging mga kapakipakinabang na members ng kanilang community,” ani Dumlao sa panayam.
Sa ilalim ng Walang Gutom 2027 program na inilunsad ng pamahalaan noong Setyembre ng nakaraang taon, nagpamahagi ang DSWD ng electronic benefit transfer card sa mga benepisyaryo para sa buwanang P3,000-halaga ng voucher na pwedeng gamitin sa pagbili ng pagkain sa Kadiwa Centers.
“This can be used to buy food from stores accredited by the DSWD such as Kadiwa,” ayon kay Dumlao.
Ayon sa datos ng ahensya, nasa humigit kumulang 2,300 pamilyang pasok sa kategorya ng “poorest of the poor” ang nasa talaan ng DSWD.
Sa naturang bilang, 1,298 pamilya ang nakabase sa Tondo, Maynila.
“Of these, 1,298 are in Tondo in Manila, and the rest are in San Mariano in Isabela, Dapa in Siargao, Garchitorena in Camarines Sur, and Parang Maguindanao,” ani Dumlao.
Ngayong taon, pakay ng ahensya palawigin ang programa sa 300,000 pamilya mula sa iba pang panig ng bansa – “This year, ang target ng DSWD is to scale up its implementation to cover 300,000 household beneficiaries.”
Pinag-aaralan na din di umano ng DSWD dagdagan ang buwanang ayuda.
…………..
