PUMALO na sa 77 katao – kabilang ang pitong binawian ng buhay – ang tinamaan ng sakit na dala ng sukdulang init ng panahon, ayon sa abiso ng Department of Health (DOH)
Batay sa datos ng DOH mula Enero 1 hanggang Abril 29, pinakamataas ang bilang ng mga tinamaan na nasa edad 12 hanggang 21 anyos na nasa 67 indibidwal (katumbas ng 87%).
Pito naman ang sinasabing binawian ng buhay dahil sa heat stroke.
Natunton ng DOH ang mga kumpirmadong heat-related cases sa Central Visayas, Ilocos Region, at Soccsksargen.
Kamakailan lang, muling naglabas ng babala ang Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) hinggil sa nakaambang panganib sa 30 lugar na patuloy na dumaranas ng matinding alinsangang dala ng mainit na temperatura.
Payo ng kagawaran sa publiko limitahan ang paglabas ng bahay, uminom ng maraming tubig at pag-iwas sa tsaa, kape, soda at alak. Pasok din sa rekomendasyon ng DOH ang paggamit ng payong, sombrero at damit na may manggas sa tuwing nasa labas.
Hinikayat din ng ahensya ang mga mamamayan gawin sa umaga o hapon ang mga nakasanayang aktibidad sa labas ng bahay.
