SA hangaring tugunan ang hindi makataong jail congestion, karagdagang 805 persons deprived of liberty (PDL) mula sa anim na pasilidad ang pinalaya ng Bureau of Corrections (BuCor) para sa buwan ng Abril.
Sa isang kalatas, nagpahayag ng kumpyansa si BuCor Director-General Gregorio Catapang na tuluyan nang maiibsan ang pagsisikip ng mga piitan sa bisa ng mas mabilis na proseso sa pagsusuri ng panahong inilagi sa piitan ng mga PDL.
Ayon kay Catapang, kabilang sa mga batayan ng puspusan at paspasang pagpapalaya ng mga PDL ang mekanismong Good Conduct and Time Allowance (GCTA) kung saan mas pinaigsi ang sentensya ang binubuno ng mga huwarang preso.
Sa 805 PDL na nakalaya, 548 ang naka-kumpleto ng maximum sentence, 161 ang nabigyan ng parole, 67 ang abswelto, 28 ang pinagkalooban ng probation at isa ang pinagbigyan sa bisa ng petition for habeas corpus.
Buwan ng Marso naman nang palayain 783 PDLs.
Sa tala ng BuCor, ang mga pinalayang bilanggo ay mula sa Davao Prison and Penal Farm (DPPF), Iwahig Prison and Penal Farm (IPPF), Leyte Regional Prison (LRP), New Bilibid Prison (NBP) facility sa Muntinlupa City, Sablayan Prison and Penal Farm (SPPF) at San Ramon Prison and Penal Farm (SRPPF) sa Zamboanga City.
