Ni JAM NAVALES
“SAYANG na naman. Paulit-ulit na lang.”
Ito ang malungkot na naibulalas ni AGRI Partylist Rep. Wilbert Lee matapos matanggap ang balitang itinatapon na lamang ng mga magsasaka sa Isabela ang libo-libong kilo ng manggang pinili lamang itambak kung saan kesa bumigay sa pambabarat ng mga middleman. at wholesaler.
“Nakalulungkot at talagang nakapanghihinayang ang ganitong balita na pinipili na lang itapon ng ating mga magsasaka ang kanilang ani dahil wala silang mapagbentahan, at kung meron man, lugi pa sila sa gagastusin,” wika ni Lee.
“Pera, pagod at oras ang ipinuhunan dito ng ating mga magsasaka, tapos ang ending, wala silang kikitain ni singko? Walang naiiwan sa kanila… kung meron man, utang,” dagdag ng Bicolano solon.
Ayon kay Lee, ang nasabi pangyayari ay patunay lamang ng mapait na katotohanan na kinakaharap ng mga magsasakang Pilipino biktima ng patuloy na kawalan ng hustisya.
“Paulit-ulit na ang ganitong scenario, may viral video, mame-media, tapos magsasabi ng solusyon ang gobyerno. Pero pagkatapos ng ilang buwan, ganun na naman. Sino ang lalong nakakawawa dito? Hindi pwedeng pang-press release lang ang tulong sa ating mga magsasaka!,” diin ng kongresista.
“Sariwa pa sa alaala natin ang pagtatadtad ng repolyo sa Benguet para maging pataba at isang truck ng kamatis sa Nueva Vizcaya na itinapon na lang sa gilid ng kalsada dahil sa napakababang bentahan sa merkado. Nandyan din yung P100 kada limang kilo ng luya sa Nueva Vizcaya, at yung oversupply ng bawang sa Batanes at marami pang produkto na kung hindi man nasasayang at pinamimigay ay binebenta na lang nang palugi,” dugtong pa ni Lee.
Panawagan ni Lee sa pamahalaan, lumikha ng komprehensibong estratehiya at palakasin ang agri value chain para maiwasan ang pagkasayang o pagkalugi sa hanay ng mga magsasaka.
“Kung mananatiling ganito ang strategy ng gobyerno, talagang uulit lang ang mga problema. We are not saying that we need to cut the budget for pre-harvest activities dahil mahalaga rin ito para mapataas ang produksyon. Kailangan ng sapat at tuloy-tuloy na suporta mula sa pagtatanim, anihan, hanggang sa paghahatid at pagbebenta ng produkto sa merkado,” mungkahi ni Lee.
Umapela ang AGRI partylist solon na agarang maipasa ang nakahaing House Bill 3958 (Post-Harvest Facilities Support Act) na naglalayong magpatayo ng warehouses, cold storages, rice mills, transport facilities, gayundin ang pamamahagi ng modern farm inputs.
Isinusulong din ni Lee ang HB 3957 (Kadiwa Agri-Food Terminal Act) upang mapalakas at i-institutionalize ang pagkakaroon ng Kadiwa stores sa sa bawat lokalidad kung saan pwede magbenta ng huling isda at aning produkto mula sa taniman ang mga mangingisda at magsasaka.
“Imbes na pagkalugi ang madalas nangyayari kapag may oversupply, baguhin natin ang ending nito kung saan Winner Tayo Lahat. Siguruhin natin na may pagdadalhan at mabebentahan ang mga ani para matiyak ang kita ng mga magsasaka, mas ma-engganyo silang magpatuloy sa pagpapataas ng produksyon, na magpapababa naman sa presyo ng bilihin,” paliwanag pa niya.
“Sa paraang ito, bukod sa maiibsan ang pasanin ng ating mga kababayan, mababawasan din ang pangamba nila sa pagkakasakit, sa takot na lalong malugmok sa kahirapan dahil walang pambili ng gamot o pambayad sa ospital,” sabi pa niya.
“Hindi tayo pwedeng maging manhid sa ganitong trahedya sa kabuhayan ng ating mga magsasaka. Filipino farmers deserve better and we must demand better services for them, our food security soldiers.”
