NANGANGAMBA ang grupong Bayan Muna sa nakaambang pagbasura ng Korte Suprema sa petisyong kumukwestyon sa legalidad ng P125-million confidential fund na inilipat ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa Office of the Vice President noong 2022 – maliban na lang kung ilalabas ng Commission on Audit ang resulta ng pagsusuri sa naturang pondo.
Para kay dating Bayan Muna partylist Rep. Neri Colmenares, may sapat na basehan ang inihaing petisyon sa legalidad ng paggamit ng confidential fund ng OVP na isang civilian agency.
Giit pa ni Colmenares, walang inaprubahan budget ang Kongreso.
Sa consolidated comment na isinumite sa Korte Suprema ni Atty. Estelito Mendoza na tumatayong abogado ni Vice President Sara Duterte, wala di umano malinaw na kaso batay sa pamantayan ng husgado.
“The petitions are mere apprehension and speculation about contingent funds or confidential funds, which does not constitute a justiciable controversy,” saad sa isang bahagi ng dokumentong isinumite ni Mendoza para kay Duterte sa Korte Suprema.
Hirit naman ng militanteng lider na kumakatawan sa Bayan Muna sa COA, tuparin ang pangakong binitawan noong nakaraang taon na magsasagawa ng special audit para alamin kung paano ginastos ng OVP sa loob lang ng 11 araw ang ang naturang pondo.
“We now ask COA where this Audit Report is as we demand that COA bear the report to the public. Taxpayers have the right to know how their money was spent and COA has the duty to audit all confidential funds given to civilian agencies and officials not only during the previous administration but even in the current administration,” aniya pa.
Nanawagan din si Colmenares kay Marcos na isulong ang tunay na reporma para wakasan ang korapsyon at tiyakin tama ang paggastos sa pondo ng gobyerno.
