Ni ESTONG REYES
TALIWAS sa inaasahan, walang magaganap na sanib-pwersa sa labas ng hanay ng mga senador na nagluklok kay Senador Francis Escudero bilang Senate President.
Ayon kay Senador Nancy Binay, mananatiling “independent majority” ang mga miyembro ng Solid 7 na kanyang kinabibilangan kasama ang mga kapwa senador na sina Joel Villanueva, Loren Legarda, Sonny Angara, JV Ejercito, Win Gatchalian at ang pinatalsik na si dating Senate President Juan Miguel Zubiri.
Gayunpaman, tiniyak ni Binay na magiging kritikal ang Solid 7 sa lahat ng deliberasyon sa Senado.
“Parang at the moment majority pa naman kami, majority independent, parang kung ano sina Sen. Pia and Alan nung nag-umpisa kami during this Congress. So parang ganun din ang role namin,” wika ni Binay.
“Syempre, ngayon pa lang yung mga panukala na nakasalang for interpellation tingnan natin kung ano ba dun ang mga dapat ayusin or kung okay na ba siya, and siguro nga yung budget titingnan natin, ngayon pa lang ipapa-review na natin kung ano na yung mga nagawa for this year’s budget at ano ang mga nagkaka-problema,” dagdag ng senador.
“So sa amin mababago ang – mas independent ang mindset namin ngayon. Alam natin when you’re part of the majority may bagay-bagay na you have to compromise. But at this point hindi na yung level of compromise namin is not as big as before,” dugtong pa niya.
