Ni ROMEO ALLAN BUTUYAN II
KASUNOD ng pagkumpiska ng Chinese Coast Guard sa mga pagkain na sadyang “nilaglag” para sa mga sundalo nakatalaga sa BRP Sierra Madre na nagsisilbing naval outpost ng Pilipinas, muling umapela ang pamunuan ng Kamara sa bansang China – itigil na ang pambabarako sa West Philippine Sea.
Para kay House Speaker Martin Romualdez, walang mabuting dulot ang mapangahas na hakbang ng China sa ugnayan ng dalawang bansa.
“At sa nangyayari po, we bemoan, at talaga nalulungkot talaga tayo dito sa ginagawa ng ating kapitbahay, mga taga-China, at sana tigilan na nila itong mga aggressive behavior kasi hindi gaganda ang relasyon natin,” pahayag ni Romualdez.
Gayunpaman, nilinaw ng lider ng Kamara na hindi limitado sa usapin ng West Philippine Sea ang relasyon ng Pilipinas at China.
“Sa totoo lang po, hindi dapat itong West Philippine Sea ang magde-define ng ating relasyon between the Philippines and China. Mas marami pang bahagi ng ating relasyon pero habang itong mga aggressive behavior ng China ay isinasagawa ng kanilang mga naval, or Coast Guard, or militia forces, or mga naval assets nila or sea assets, lalong naging tense at lumalala ang ating relasyon dito,” dugtong pa ng Leyte solon.
“Pero syempre hindi tayo papayag na ganun-ganun lang ang trato. Kaya we will be very firm and all the respective authorities will be supporting the President’s policy,” aniya pa.
Binanggit din ng House Speaker ang matapang na pahayag ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa pagdalo sa ginanap na defense summit sa Singapore kung saan muling nanindigan ang punong ehekutibo na walang plano ang administrasyon isulo sa China maski isang pulgada ng nasasakupang teritoryo.
Hindi rin aniya dapat isuko ang BRP Sierra Madre na simbolo ng soberanya ng Pilipinas.
