WALANG batayan ang palusot ni Vice President Sara Duterte hinggil sa umano’y ipinagkait na pagkakataon para sagutin ang inilabas na resulta ng pagsusuri ng Commission on Audit (COA) sa paulit-ulit na maling paggamit ng confidential funds.
Ayon kay House Senior Deputy Minority Leader at Mamamayang Liberal (ML) partylist Rep. Leila de Lima, ang COA findings sa daan-daang milyong confidential funds na pinamamahalaan ng bise-presidente ay hindi simpleng alegasyon lamang.
“Aabot sa P448 milyon ang ipinasosoli ng COA kina VP Sara dahil sa nakitang iregularidad sa paggamit ng confidential funds ng OVP noong 2022 at 2023. Hindi ito mga alegasyon lang, kundi desisyon na batay sa pagsusuri sa mga aktwal na dokumento ng COA,” wika ni De Lima.
Giit ng ranking lady House minority official, “hindi ito basta-basta lang matatabunan ng mga mga fake news at disinformation. Hindi ito maisasantabi lang ng pag-iwas na sagutin o pagka-desperadong ilihis na lang ang isyu.”
“Pera ito ng taumbayan na hindi pwedeng lustayin lang ng ilang oras o ilang araw, o ipamigay lang kay ‘Mary Grace Piattos’ at sa iba pang imbentong pangalan at kaduda-dudang mga personalidad.”
Sa pinag-isang pahayag nina ACT Teachers Rep. Antonio Tinio, Gabriela Women’s Party Rep. Sarah Jane Elago at Kabataan Rep. Atty. Renee Louise Co, binigyan-diin na ang paglabas ng magkahiwalay na notice of disallowance ng COA para sa P375 million confidential fund na ginamit ng Office of the Vice President (OVP) noong 2023 at P73 million na parehong pondo noong December 2022 ay pagpapakita ng matinding pang-aabuso ng bise-presidente sa pondo ng taumbayan na pinagkatiwala sa kanya.
“This staggering rate is not normal; it points to a pattern of abuse and a grave breach of public trust,” saad sa pahayag ng mga kongresista na mula sa tinaguriang Makabayan bloc sa Kamara.
“This cannot be dismissed as a technical audit matter. These disallowances reflect repeated failure to justify spending, lack of supporting documents, and even disbursements coursed through unauthorized personnel—violations that strike at the core of accountability in public finance,” dagdag nila.
Giit ng Makabayan bloc lawmakers, “dapat ibalik ang pera. Pondo ito ng bayan na dapat ginamit sa ayuda, serbisyo, at pantugon sa pamalagiang krisis—hindi sa di umano’y “confidential” na gastos na walang maipakitang malinaw na batayan at sapat na dokumento.”
“We demand the immediate return of all amounts disallowed by COA and the full recovery of public funds from all officials held liable. Every disallowed peso must be restored to the public coffers and redirected to urgent measures that genuinely respond to the crisis—support for transport workers and commuters, relief for workers and poor communities, and strengthened social services being squeezed by inflation and fuel price shocks.”
Samantala, sa panig ni Bicol Saro Partylist Rep. Terry Ridon, na miyembro ng House Committee on Justice at aktibong dumadalo sa bawat impeachment proceedings ng huli, sarili mismo ng bise-presidente at OVP ang dapat sisihin sa paninita ng COA.
“Hindi totoo na walang due process na nangyari. May pagkakataon silang sumagot, at hindi naman ito nangyari ng isang beses lamang. Dumaan iyan sa audit observation memo at notice of disallowance, kaya malinaw na may proseso bago sila umabot sa puntong ito,” ani Ridon.
“As stated in the decision itself, they were given time to respond. Kaya mahirap sabihin ngayon na they were deprived of due process, because the opportunity to answer was already there,” dagdag niya.
Hindi ang kawalan umano ng ‘due process’ ang isyu kundi ang problema sa panig ng OVP at ni Duterte na magpakita ng sapat na report at supporting document para maipaliwanag ang paggamit nila ng confidential funds.
