KUNG walang ginawang atraso, bakit kailangan pang umiwas at magtago?
Ito ang buod ng pasaring ng isang kongresista kasabay ng panawagan kay Vice President Sara Duterte na tularan ang dating amuyong na nagpamalas ng paninindigan sa pamamagitan ng pagharap sa Kamara at paglagda sa isang bank waiver.
Sa isang kalatas, partikular na tinukoy ni Deputy House Speaker Paolo Ortega V (La Union) si Ramil Madriaga na nagpakilalang dating bagman ni VP Sara.
“Ang kailangan ng publiko ngayon sa impeachment, under oath para sa katotohanan at hindi no-show,” wika ni Ortega.
“Kung talagang gusto niyang pabulaanan si Madriaga, huwag sa caption, huwag sa press statement, huwag sa paikot-ikot na soundbite. Humarap siya sa komite, manumpa, at sumagot,” dugtong ng kongresista.
Bukod sa pagbibigay ng sinumpaang-salaysay sa harap ng House Committee on Justice, tahasan din inudyukan ng La Union solon si Duterte na lumagda sa isang bank waiver na nagbibigay pahintulot na buksan ang mga bank account na may kaugnayan sa kanya.
“A bank waiver enables authorities to access bank documents that could either confirm or debunk claims of undisclosed assets, cutting through speculation and competing statements. Without such a step, public debate remains confined to claims and denials, instead of evidence,” punto pa ni Ortega.
Ayon sa mambabatas, ang pagpirma sa bank waiver ay isang matibay na hakbang sa pagpapakita ng transparency o pagiging bukas at walang itinatago dahil magagawang beripikahin ang financial records kung totoo o hindi ang binitiwang mga alegasyon.
“Sa ngayon, ang isang panig ay may testigong nanumpa at humarap. Ang kabila ay may talking points at media rounds. Hindi pantay ang bigat ng dalawang iyan. Ang panunumpa may legal na pananagutan,” ani Ortega.
Pinuna rin ng House Deputy Speaker ang pahayag ng Atty. Salvador Panelo na tumatayong legal counsel ng pangalawang pangulo, na pawang “pure fiction” lang umano ang mga pasabog ng impeachment resource person.
“Kung ‘pure fiction’ pala ang testimonya ni Madriaga katulad ng pakulo nila, dapat humarap si VP Sara sa Justice panel at mag-under oath. Hindi pwedeng ang isang tao ay pinapasan ang bigat ng oath habang ang kabilang panig ay gusto commentary lang ang dala. Kung gusto mong maniwala ang publiko sa denial mo, ilagay mo rin sa ilalim ng panunumpa,” diin ni Ortega,
“Kung may mali sa sinabi ng testigo, itapat ang tamang sagot. Kung may butas, ilahad ang dokumento. Kung may kasinungalingan, harapin at pabulaanan. Pero gawin sa tamang lugar kung saan pwede ang clarificatory questions katulad ng House Committee on Justice at pwedeng ilagay sa rekord. Iyon ang respeto sa proseso,” giit pa niya.
Ani Ortega, “ang taumbayan hindi naghihintay ng mas marami pang statement na pinapadaan sa iba. Ang hinihintay nila ay ang mismong Bise Presidente. Humarap, manumpa, at sumagot siya.”
