
TALIWAS sa agam-agam ng sektor ng magsasaka, iginiit ng National Economic Development Authority (NEDA) na dumaan sa masusing pag-aaral ng ahensya ang kontrobersyal na tariff cut na inaprubahan ng Pangulong Ferdinand Marcos Jr. para sa mga bigas na inaangkat mula sa ibang bansa.
Ayon kay NEDA chief Sec. Arsenio Balisacan, walang dahilan para maalarma ang sektor ng magsasaka.
Katunayan aniya, nagsagawa muna ang NEDA Tariff Commission ng malawakang konsultasyon at malalimang pagsusuri sa mga probisyong kalakip ng Customs Modernization and Tariff Act – bukod pa sa konsultasyon sa 801 stake holders kabilang ang 192 mula sa sektor ng agrikultura, bago pa man inaprubahan ng NEDA board rekomendasyon ng Committee on Tariff and Related Matters (CTRM).
Paliwanag ng Kalihim, hangad ng gobyerno bigyan ng “access” sa kalidad at abot-kayang bigas ang buong sambayanan.
Inaasahan din aniya makakatulong sa pagbaba ng inflation para mapanatili ang economic growth momentum.
Batay sa datos ng Philippine Statistics Authority (PSA) sa nakalipas na tatlong buwan, nag-ambag ang bigas ng halos 2 percentage points sa headline inflation.
Sa bisa aniya ng tariff cut, inaasahang mapapababa nito ang presyo ng bigas habang sinusuportahan ang domestic production sa pamamagitan ng tariff cover at pagdaragdag sa budgetary support upang mapataas ang agricultural productivity ng mga magsasaka.