SA isang sibilisadong lipunan, higit na angkop ang sabayang pagkilos tungo sa landas ng kaunlaran, kaayusan at kapayapaan.
Ito rin ang dahilan sa likod ng paglikha ng iba’t ibang tanggapan na may kanya-kanyang mandatong dapat isakatuparan. Ang edukasyon sa Department of Education, habang ang pagawaing bayan sa Department of Public Works and Highways.
Punong-abala sa larangan ng kalusugan ang Department of Health, pananalapi naman ang saklaw ng Department of Finance, kalakalan ang espesyalismo ng Department Trade and Industry. Lahat ng kagawaran may kanya-kanyang trabaho alinsunod sa pangangailangan ng mga mamamayan.
Anumang banta sa seguridad ng bansa, sagot ng Armed Forces of the Philippines (AFP).
Sa tawag ng saklolo bunsod ng mga insideten ng sunog, nandyan ang Bureau of Fire Protection para tumugon, habang sa Philippine National Police naman nakaatang ang pagsugpo sa kriminalidad at pagtataguyod ng kaayusan.
Speaking of kaayusan, katuwang ng kapulisan ang hanay ng mga mamamahayag.
Pero sa apat na lungsod na nasa gawing silangan ng kabisera, tila bantulot ang pulisya. Dangan naman kasi, tila tinataguan pati ang mga lehitimong mamamahayag.
Katunayan, tatlong ulit nang nagpalit ng information officer ang Eastern Police District (EPD) pero ang hiling na courtesy call ng PaMaMariSan-Rizal Press Corps tablado kay EPD Director Aden Lagradante.
Sino nga ulit ang EPD chief? Lagradante ba kamo?
Kung hindi ako nagkakamali, sa kanyang pamumuno naganap ang panggagahasa ng dalawang senior police officers sa isang policewoman.
Siya din ang EPD director nang sumiklab ang gulo sa mala-Palasyong mansyon ng mag-asawang Discaya.
Pati ang kalakalan ng droga at ilegal na pasugalan sa mga lungsod ng Pasig, Mandaluyong Marikina at San Juan tila tuloy ang ligaya. Ang dahilan — may mga pulis sa ilalim ni Lagradante na tumatanggap ng lingguhang ganansya.
But wait there’s more — uso rin sa naturang distrito ang kalakalan ng laman, bentahan ng mga armas, katayan ng carnap na sasakyan at child labor.
Ang totoo, malaking bentahe sa kapulisan kung makakatuwang ang mga mamamahayag sa kampanya kontra kriminalidad sa bisa ng wastong pag-uulat at akmang paraan pagmumulat na hatid ng mga tagapagbalita.
Pero sadya nga yatang suplado si Lagradante — o baka naman may itinatago lang sa hanay ng mga peryodista.
Abangan ang kasunod.
