
PAGSAPIT ng unang araw ng Hulyo, arangkada na ang pagtugis ng Land Transportation Office (LTO) sa mga public transport vehicles na bumabyahe kahit walang plaka.
Bulang pambungad, nakatakdang suyurin ng LTO ang mga pampasadang tricycle sa Quezon City bilang implementasyon ng “no plate, no travel policy” ng naturang ahensya.
Ayon kay LTO Chief Vigor Mendoza, wala nang pwedeng i-dahilan ang mga namamasada gamit ang tricycle sa sandaling sitahin dahil sa walang plakang nakakabit sa minamanehong sasakyan.
Aniya, natugunan na ng LTO ang halos 3,000 backlog ng plaka ng mga pampasaherong tricycle sa QC sa pakikipagtulungan ng Tricycle Operators and Drivers’ Associations (TODA) sa lungsod.
“With all the license plates already distributed to all tricycles being used in public transport in Quezon City, your LTO will presume that tricycles with no license plates but are being used in transporting passengers in Quezon City are colorum, or operating illegally” wika ni Mendoza.
Paglilinaw ni Mendoza, hindi lang mga kolorum sa Quezon City ang wawalisin ng ahensya sa mga kalsada. Katunayan aniya, isusunod na rin sa mga susunod na buwan ang iba pang lugar sa buong kapuluan.
Bukod sa mga tricycle, kabilang rin sa tutugisin ng LTO ang mga four-wheeled vehicles.
Samantala, nanawagan si Mendoza sa mga car owners na kunin na sa LTO ang plaka ng kanilang sasakyan. Gayundin ang hirit ng LTO chief sa mga car dealers.