
ANG dapat sana’y multa dahil paglabag sa anti-smoking ordinance, nauwi sa kasong kriminal matapos mahulihan ng droga ang dalawang Japanese national sa isang restobar sa lungsod ng Taguig.
Kinilala ang mga suspek sa pangalang Katsuma Toya, 33-anyos at nakatira sa Malate, Manila; at Shoma Tada, 21-taong gulang na pansamantalang naka check-in sa isang hotel sa Parañaque City.
Ayon sa ulat na pinadala sa Southern Police District (SPD), pasado alas 12:00 ng hatinggabi nang mapansin ng mga nagpapatrolyang pulis ang paninigarilyo nina Toya at Shada sa tapat Wasshoi Restaurant, The Fort Strip, Bonifacio Global City, Barangay Fort Bonifacio sa naturang lungsod.
Nang lapitan ang mga Japanese nationals para komprontahin at tiketan bunsod ng paglabag sa ordinansa, hindi sinasadyang nakita ang isang plastic sachet na naglalaman puting pulbos na kalaunan ay napag-alamang cocaine.
Tinangka pa umano ni Tada na ihagis palayo ang drogang ipinasa ng kasamang si Toya.
Kapwa nakapiit ang dalawang Japanese nationals na nahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002), Disobedience of Person in Authority at Resisting Arrest – bukod pa sa ordinansang may karampatang multa.