MAS pinainit pa ng China ang sitwasyon sa West Philippine Sea matapos kumpirmahin ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang insidente ng paglusob ng Chinese Coast Guard sa sasakyang-dagat ng Pilipinas na maghahatid sana ng mga pagkain at gamot sa Philippine naval outpost sa Ayungin Shoal.
Sa ulat na pinadala sa punong himpilan ng sandatahang lakas, pitong sundalong miyembro ng Naval Operations Group ang nasaktan – kabilang ang isang naputulan ng daliri bunsod ng di umano’y sadyang pagbangga ng Chinese Coast Guard sa barko ng Philippine Navy.
Pagkatapos banggain, inakyat di umano ng mga Tsino ang Philippine Navy ship at pilit kinumpiska ang walong high-powered firearms na inalmahan naman ng mga sundalo hanggang sa umabot sa manu-manong bakbakan.
Sa ulat ng Philippine Navy, winasak din umano ng mga Tsino ang anim na rigid hull inflatable boat (RHIB).
MAtapos ang insidente, naglabas ng pahayag ang China Coast Guard hinggil sa nasabing insidente.Pag-amin CCG Spokesperson Gan Yu, sumampa ang Chinese forces sa AFP resupply boats para magsagawa ng inspeksyon Philippine vessels na naglalayag patungo sa direksyon ng Ayungin Shoal na tinawag niyang Ren’ai Reef.
Ayon kay AFP Public Affairs Office chief Colonel Xerxes Trinidad, agad na nagsagawa ng medical evacuation ang pamahalaan para sa sugatang Philippine Navy serviceman na naputulan ng daliri bunsod ng karahasan ng China sa loob pa man din aniya ng 200-nautical mile Philippine exclusive economic zone.
Sa isang bukod pa pahayag, kinastigo ni AFP Chief of Staff General Romeo Brawner ang Chinese Coast Guard na aniya’y walang karapatan manghimasok sa mga lehitimong operasyon ng bansa sa nasasakupang karagatan.
Hindi rin umano katanggap-tanggap ang ginawang pagkumpiska at pagwasak ng Chinese Coast Guard sa mga baril at sasakyang dagat ng Pilipinas.
“This reckless and aggressive behavior has caused bodily harm and constitutes a blatant violation of international maritime law, Philippine sovereignty, and sovereign rights. China’s actions pose significant risks to regional stability.”
