ISANG bagong pasabog ang sumambulat sa senado matapos maglabas ng dokumento ang isang senador na patunay na hindi Pilipino ang suspendong Bamban Mayor Alice Guo
Sa mga nakalap na sipi ng mga dokumento mula sa Bureau of Immigration, lumalabas na walang totoo sa lahat ng mga tinuran ni Guo na aniya’y dumating sa Pilipinas Enero 13, 2003 sa pangalang Guo Hua Ping, ayon kay Sen. Sherwin Gatchalian.
Gayundin aniya ang dokumentong isinumite ng pamilyang Guo noong nag-apply para makakuha ng Special Investors Resident Visa (SIRV).
“Alice Guo might be Guo Hua Ping who entered the Philippines on January 12, 2003 when she was 13 years old. Her real birth date is on Aug 31, 1990,” wika ni Gatchalian sa isang pahayag.
“This is according to documents provided by the Board of Investments from the Guo family’s application for Special Investors Resident Visa (SIRV) and the Bureau of Immigration,” dagdag pa ng senador.
Nakasaad din aniya sa mga nakalap na dokumento na isang Lin Wen Yi ang kanyang ina – at hindi isang Amelia Leal tulad ng sinabi ng suspendidong mayor.
“Guo Hua Ping’s registered mother under the SIRV is Lin Wen Yi,” dugtong pa ni Gatchalian.
Una nang hinamon ni Gatchalian si Mayor Guo na sumalang sa DNA test kasama si Lin Wen Yi para patunayan na may dugong Pinoy na nananalaytay sa kanyang ugat.
