MATAPOS ang pitong taon, tuluyan nang nalinis ang pangalan ni dating Senador Leila De Lima matapos maspasya ang husgado na ibasura ang ikatlo at huling drug case na isinampa ng Department of Justice (DOJ) sa ilalim ng administrasyon ni former President Rodrigo Duterte.
Sa desisyon ng Muntinlupa City Regional Trial Court (RTC) Branch 206, pinaboran ni Presiding Judge Gener Gito ang demurrer to evidence na inihain ng abogado ni De Lima.
Bago pa man lumabas ang pasya ng husgado, una nang sinabi ni Gito na mahina ang ebidensyang magdidiin kay De Lima, hudyat para pahintulutan ang dating senador maglagak ng piyansa para sa pansamantalang kalayaan.
Partikular na ibinasura ni Gito ang alegasyon pagtanggap ng noo’y DOJ Secretary ng P70 milyong suhol mula sa mga prominenteng drug lord na nakapiit sa New Bilibid Prison facility sa Muntinlupa.
Taong 2021 nang paboran ng husgado si De Lima sa kasong kumakaladkad sa pangalan ng dating senador sa kilalang international drug lord na si Peter Co. Maraan ang dalawang taon, nasundan ang tagumpay ni De Lima nang i-dismiss ng korte ang isa pang kaso.
Ang dahilan – inamin ni dating Bureau of Corrections chief Rafael Ragos na pinuwersa lamang di umano siya ng administrasyong Duterte na idiin si De Lima sa droga.
