Ni LILY REYES
SUGATAN ang 38-anyos na babae matapos barilin ng isang hindi pa natutukoy na salarin sa panibagong insidente ng road rage sa Quezon City.
Batay sa imbestigasyon ng Quezon City Police District (QCPD), naganap ang pamamaril ng suspek sa kahabaan ng Quezon Avenue hindi kalayuan sa Kalye Banawe sa naturang lungsod.
Kwento ng mga saksi, tinakasan ng suspek na sakay ng isang Nissan Navara pick-up ang Toyota Vios na nasagi sa bahagi ng Barangay Dona Josefa – dahilan para habulin ng drayber ng napinsalang sedan, hanggang abutan sa gawing Banawe District.
Dito na umano bumaba ang suspek na armado ng baril na paulit-ulit na pinutok sa direksyon ng sasakyan kung saan lulan ang anim katao.
Pagkatapos ng pamamaril, duguan ang 38-anyos na babaeng agad na isinugod sa pagamutan. Mabilis na tumakas ang hindi natukoy na salarin.
Patuloy ang isinasagawang imbestigasyon ng lokal na pulisya sa hangaring matukoy ang pagkakakilanlan sa gunman.
