NI LILY REYES
TINATAYANG aabot sa P30, 391, 322 halaga ng ilegal na droga ang nakumpiska ng Quezon City Police District (QCPD) sa 576 anti-illegal drug operations mula Abril hanggang Hunyo 2024 sa lungsod, ayon sa ulat kahapon.
Ayon kay Quezon City Police District (QCPD) Director, P/BGen. Redrico A Maranan, ito ay malaking pagtaas kumpara sa parehong panahon noong nakaraang taon, kung saan 509 na operasyon ang isinagawa, na nagresulta sa pagkakaaresto ng 883 mga suspek at pagkakakumpiska ng P23,558,170.80 halaga ng iligal na droga. Kabilang sa mga nakuhang substance ay marijuana kush, dahon ng marijuana, at shabu.
Nanguna ang District Drug Enforcement Unit, na nagsagawa ng 15 operasyon, na nagresulta sa pagkakaaresto ng 22 suspek at pagkakakumpiska ng P5,807,200 halaga ng iligal na droga. Sinundan ito ng Batasan Police Station (PS 6), na nagsagawa ng 86 na operasyon, na humantong sa pagkakaaresto sa 134 na suspek at pagkakasamsam ng P5,555,996 halaga ng iligal na droga.
Malaki rin ang kontribusyon ng Novaliches Police Station (PS 4) sa 78 na operasyon, na nagresulta sa pagkakaaresto ng 108 suspek at pagkakasamsam ng P3,071,574 halaga ng iligal na droga. Lahat ng mga naarestong suspek ay kinasuhan ng mga paglabag sa R.A. 9165, ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
