Ni ROMEO ALLAN BUTUYAN II
MAGIGING katuwang ng administrasyong Marcos ang liderato ng Kamara sa hangaring maging ‘rice self-sufficient’ pagsapit ng taong 2028.
Ito ang tiniyak ni Speaker Martin Romualdez kasabay ng giit na ginagawa ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang lahat ng paraan para mapabuti ang sektor ng agrikultura sa paraan ng pagtulong sa mga lokal na magsasaka para pataasin ang produksyon at nang sa gayon ay hindi na kailangan pang umangkat ng bigas mula sa ibang bansa.
Ibinida rin ni Romualdez ang Department of Agriculture (DA) at National Irrigation Administration (NIA) na aniya’y kapwa gumagawa ng mga hakbang upang maparami ang produksyon ng pagkain sa bansa.
“Lahat ng ito kino-converge natin para mas efficient ang paggamit ng pondo. Dati, ‘yung DA may programa, NIA may programa parang hindi nag-uusap. Pero, nag-uusap na tayo. So, we feel that sa puno’t dulo nito magkaroon tayo ng rice self-sufficiency,” sabi pa ni Speaker Romualdez.
“So all-of-government approach, so yung Department of Agriculture, National Irrigation Authority, NFA (National Food Authority), syempre yung buong executive, ngayon yung legislative nag sama-sama na,” dugtong ng Leyte lawmaker.
Inihalimbawa ni Romualdez ang pagbibigay importansya ng Department of Public Works and Highways (DPWH) sa pagkakaroon ng Comprehensive Irrigation Systems (CIS), na inter-connected sa mga water impounding area kung saan ang tubig baha ay pinadadaloy patungo sa isang imbakan ng tubig na konektado naman sa irigasyon sa mga sakahan.
Nanindigan ang lider-kongresista sa kahalagahan ng pagkakaroon ng long-term plan sa para makamtan ang food security ng bansa.
“Food security, is national security. So, talagang mahalaga talaga itong programa na ito. Unang-una, gusto nating ibaba ang presyo ng bigas na abot kaya ng lahat ng Pilipino, kasi ang Presidente ayaw na ayaw niya na may mahirapan o magutom na Pilipino,” dugtong pa niya.
“Pero, hindi lang pwede na ganun ang iniisip, kaya ang long-term plan niya ay bago siya bumaba, we will no longer be dependent on rice imports. So, kailangan talaga rice self-sufficiency. So, kailangan mas efficient ang mga palayan natin, kailangan ng patubig at napakaraming patubig pa,” aniya pa.
Nauna rito ay tiniyak ng Kamara de Representantes sa mga lokal na magsasaka na magpapatuloy ang suporta na ibibigay sa kanila ng administrasyon sa kabila ng pagbabawas sa taripang ipinapataw sa imported na bigas.
“We are relying on them, and we assure them that Congress, government, the people are behind them,” ani Romualdez na sinegundahan naman nina House Committee on Agriculture Chair Mark Enverga (Quezon, 1st District) at Committee on Appropriations Chair Zaldy Co (Ako Bicol Party-list).
Sinabi nina Enverga at Co na sa kabila ng pagpapatupad ng Executive Order No. 62 na nagbabawas sa taripa ng imported na bigas sa 15 percent mula 35 porsyento ay magpapatuloy ang mga programa ng gobyerno na naglalayong tulungan ang mga magsasaka.
Iginiit ni Enverga na malaking pondo ang inilalaan ng gobyerno upang suportahan ang mga magsasaka bukod pa sa pondong naiipon sa Rice Competitiveness Enhancement Fund (RCEF) na mula naman sa buwis na ipinapataw sa imported na bigas alinsunod na rin sa Rice Tariffication Law (RTL).
Sa ilalim ng RTL, P10 bilyon mula sa nakolektang buwis ang ilalaan sa mga programa upang tulungan ang mga magsasaka gaya ng mechanization, mas magandang binhi, at bagong teknolohiya sa pagsasaka.
Matatapos na ang implementasyon ng RCEF ngayong taon kaya nagpasa ng panukala ang Kamara na palawigin pa ang naturang probisyon hanggang 2030 at itaas sa P15 bilyon ang inilalaang pondo para sa mga magsasaka.
Batay sa datos ng Bureau of Customs (BOC), hanggang noong Mayo ay nakakolekta na ito ng P22 bilyon mula sa buwis na ipinataw sa imported na bigas.
“Currently, there are P22 billion as stated by the [BOC]. At paalala po, June pa lang po ngayon, may taripa pa rin po, so may 15 percent tariff. Ibig sabihin, tataas pa rin ang collection for this year, so hindi po pababayaan ang ating mga farmers,” punto ni Enverga.
Sinabi ni Enverga na ang paglalaan ng malaking pondo sa national rice program ay patunay na seryoso sina Pangulong Marcos at Speaker Romualdez na mapataas ang sektor ng agrikultura ng bansa.
Ayon naman kay Co ang malaking suportang pinansyal at mga imprastrakturang itatayo sa susunod na taon para sa mga magsasaka ay tiyak ng mapopondohan.
“In fact, sa farmers na P10 billion tumaas pa po ng P22 billion as early as now. So wala pong kailangan na ikabahala ang ating mga farmers,” ayon pa kay Co.
