Ni ESTONG REYES
MATAPOS ang dalawang sunod na pagliban sa pagdinig ng Senado, binalaan ni Sen. Sherwin Gatchalian si suspended Bamban Mayor Alice Guo sa napipintong paglabas ng warrant of arrest kung di pa rin sisiputin ang susunod na congressional inquiry kaugnay ng isyu sa illegal POGO.
Ayon kay Gatchalian, hindi angkop na binabalewala ng suspendidong alkalde ang patawag ng Senate Committee on Women, Children, Family Relations and Gender Equality na nag-iimbestiga sa scam farm sa bayan ng Bamban at sa kanyang kwestiyonableng pagkatao.
Para kay Gatchalian, naging maluwag ang komite kay Mayor Guo sa mga nakaraang pagdinig kahit bistado nang nagsisinungaling kaugnay ng scam farm at sa pekeng Filipino citizenship.
Babala pa ni Gatchalian sa suspended mayor, dumalo sa pagdinig para maiwasan ang ngingit ni Sen. Risa Hontiveros.
“Dahil suspended na siya, puwede siya talagang ma-cite in contempt at makulong dito sa Senado,” ani Gatchalian.
Inilahad pa ng senador na noong lumabas na ang tunay na pangalan ni Mayor Guo ay Guo Hua Ping, marami ang tumawag sa kanilang tanggapan at nagbigay ng mga kanilang nalalaman tungkol sa Chinese na nagpapanggap na Pinoy.
Sinabi ni Gatchalian na ipapatawag din nila si Philippine Amusement and Gaming Corp. (PAGCOR) Chairman at CEO Alejandro Tengco upang pakantahin sa binanggit nitong mga dating Cabinet official na sangkot sa mga illegal Philippine Offshore Gaming Operator (POGO) sa Central Luzon.
Aniya, may mga nakausap din sila na nagdadawit sa pangalan ng mga matataas na opisyal ng nagdaang administrasyon at politiko na naging padrino ng mga illegal POGO na naging scam hub.
“Nasabi sa amin na ang iba ay matataas na opisyales, iba ay politiko. Parang nagtugma doon sa sinabi ng Pagcor chairman,” wika ni Gatchalian.
“‘Yung kanyang sinabi na may former Cabinet official, patunay ito na itong mga POGO eh marunong kumuha ng matataas na opisyales para ilakad ang kanyang papeles,” dagdag ng senador.
