
SA gitna ng kabi-kabilang pagtaas sa presyo ng mga pangunahing bilihin sa merkado, naglabas ng paliwanag ang United States Department of Agriculture Foreign Agricultural Service (USDA-FAS) sa pagsipa sa halaga ng bentahan ng pagkain sa mga pamilihang bayan.
Ayon sa USDA-FAS, daang libong tonelada ang shortage ng karne ng baboy at manok sa bansa ngayong taon.
Sa pagtataya ng USDA-FAS, lumalabas na kapos ng 543,000 tonelada ang shortage ng karne ng baboy sa bansa habang 458,000 tonelada naman ang kulang sa supply ng karne ng manok.
Ayon sa datos ng USDA-FAS, mas mataas din ang domestic consumption ng karne ng baboy (1.59 milyong tonelada) sa Pilipinas ngayong taon kumpara sa produksyong 1.05 milyong tonelada.
Pagtataya ng nasabing ahensya, papalo sa kalahating milyong tonelada ng karneng baboy ang kailangan angkatin ng Pilipinas ngayong taon – malayo sa 448,000 toneladang import noong 2023.
Lumalabas din na 1.998 milyong tonelada ang kinokonsumong karne ng manok ng mga Pinoy, habang 1.54 milyong tonelada lang ang produksyon – katumbas ng 465,000 toneladang dagdag import.
Ito rin anila ang dahilan sa pagsipa sa presyo ng karne ng manok at baboy sa merkado.
Kapag may shortage, mas marami ang pangangailangan kaysa sa produksyon na dahilan kung bakit tumataas ang presyo ng isang produkto.
Sa price monitoring ng Department of Agriculture, nasa P185-P220 na ang kilo ng manok samantalang nasa P300-P380 ang kilo ng kasim at P360-P410 naman ang kilo ng liempo sa Metro Manila.