Ni ROMEO ALLAN BUTUYAN II
PARA sa isang bansang napapalibutan ng tubig, hindi katanggap-tanggap na malaking bahagi pa rin ng Pilipinas ang walang maayos na supply ng potable drinking water, himutok ni AGRI partylist Wilbert Lee.
“Bansa tayong napaliligiran ng tubig pero uhaw at tuyot ang milyon-milyong Pilipino sa ligtas na inumin,” pahayag ng Bicolano solon.
“Sabi nga, ang tubig ay buhay. Kaya napakalaking kasalanan sa taumbayan kung ito pa ang maglalagay sa kanilang buhay sa peligro dahil sa kawalan o kontaminadong supply,” dagdag ni Lee.
Sa kanyang talumpati sa harap ng mga nagsipagtapos sa Bulacan Agricultural State College, sinabi ni Lee na “nakababahala ang datos mula sa Department of Environment and Natural Resources (DENR) na 40 milyong Pilipino ang pinagkakakitaan ng malinis at ligtas na tubig.”
“This is a basic human right pero patuloy na naipagkakait sa napakarami nating mga kababayan. Nasaan ang hustisya?” sambit pa ng kongresista.
“Sa kawalan ng malinis at ligtas na inumin, nadaragdagan pa ang pangamba ng milyon-milyong Pilipino, dahil kung magkasakit sila ay hindi sila makakapasok sa trabaho, mawawalan ng kita, masisimot ang ipon o malulubog sa utang sa pagbili ng gamot o pagpapa-ospital,” malungkot na pahayag ng mambabatas.
Bunsod nito, inihain ni Lee ang kanyang House Bill No. 10531, o ang “Rural Potable Water Supply Act” na naglalayong magkaroon ng potable water supply system sa buong bansa, partikular sa rural areas, na gagawin sa loob lamang ng tatlong taon.
“The construction of the potable water supply system will be led by the National Water Resources Board, in coordination with the Department of Health (DOH), DENR, Department of Social Welfare and Development (DSWD), and the Department of Public Works and Highways (DPWH). The program shall prioritize areas with social and health problems due to waterborne diseases,” saad sa isang bahagi ng panukalang batas.
Ayon kay Lee, ang kanyang HB 10531 ay alinsunod na rin sa naunang direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. para sa DENR na magkaroon ng konkretong solusyon para magkaroon ng maayos na suplay ng tubig ang nasa 40 million Pinoy.
“Hindi tayo dapat maging manhid sa napakahirap na sitwasyon na matagal nang tinitiis ng marami nating kababayan, lalo na sa mga liblib na lugar. Hindi porke may pambili o may access tayo sa malinis na tubig, ay wala na tayong pakialam sa mga kababayan natin, kabilang na ang mga bata, na iniinom ang tubig kahit na kontaminado at alam nilang pwede silang magkasakit,” giit ng AGRI partylist congressman.
“Winner Tayo Lahat kapag may access ang bawat pamilya sa ligtas at malinis na tubig, sa sapat, masustansya at murang pagkain, at kung hindi tayo nangangamba na mawalan ng kabuhayan at kita dahil sa pagkakasakit,” pagtatapos ng mambabatas.
