Ni ROMEO ALLAN BUTUYAN II
PARA kay House Deputy Majority Leader Erwin Tulfo, hoyo ang katapat ng mga walang pusong manloloko, lalo pa’t ang biktima ay pasok sa sektor ng mga at senior citizens at may kapansanan.
“Kahit piso pa yan, makukulong ka kapag ini-scam mo yung kaawa-awang senior o PWD dahil wala kang puso!,” pahayag ni Tulfo at apat pang kongresista, kasabay ng paghahain ng isang panukalang batas na naglalayong bigyan ng proteksyon ang hanay ng persons with disability (PWD) at mga senior citizens.
“We need to protect our elders and PWDs sa panahon ngayong usong-uso ang mga scam,” dagdag pa ng ranking House official.
Kasama sina ACT-CIS Reps. Edvic Yap at Jocelyn Tulfo, Benguet Rep. Eric Yap at Quezon City 2nd district Rep. Ralph Wendel Tulfo, pormal na isinumite ng mga mambabatas ang House Bill 10600 (Act Protecting the Integrity of the Electronic Transactions of Senior Citizens and PWDs).
Pagtatapat ni Tulfo, hindi na mabilang ang dami ng reklamo dinudulog sa kanyang tanggapan ng mga biktima ng mga grupo at indibidwal naqsa nasa likod ng modus kung saan binabawasan di umano ang buwanang pensyon na tinatanggap sa pamahalaan.
“Sa kanilang pension o konting ipon lang umaasa ang mga senior tapos gagatasan o nanakawin pa ng mga manggagantso,” galit na pahayag ng mambabatas.
Gayunpaman, nilinaw ni Tulfo na hindi limitado sa mga senior citizens ang isinusulong bna proteksyon kontra dorobo. Katunayan aniya, maging ang sektor ng PWDs binibigyang proteksyon sa ilalim ng isinusulong na panukala.
“Isinama na rin namin ‘yung mga PWD na kapag ginoyo mo ay kulong ang aabutin mo,” babala pa ng kongresista.
Dagdag pa niya, “masyado kasing bulnerable ang mga senior citizen at mga may kapansanan sa mga panloloko ng ilan dahil na rin sa kahinaan dala ng kanilang edad o kapansanan.”
Sa naturang panukalang batas, pagkabilanggo ng tatlong buwan hanggang anim na taon o higit pa, depende sa laki ng halaga na natangay sa senior o PWD lalo’t naubos ang ipon o pension nito dahil sa scam ng indibidwal o sindikato, ang kakaharaping parusa ng napatunayang nagkasala.
“By imposing stringent penalties, the bill seeks to deter potential offenders and underscore the seriousness of these crimes. The implementation of this bill would not only safeguard the financial assets of senior citizens and PWDs but also restore their confidence in using digital platforms for communication and transactions,” saad sa isang bahagi ng HB 10600.
Samantala, nakapaloob din sa panukalang batas na sinuman ang napatunayang nagkasala ng phishing, internet fraud, o telecommunications fraud, kung saan ang biktima ay isang senior citizen o PWD sa oras ng paglabag, ay papatawan ng parusang pagkakakulong mula tatlong taon at isang araw hanggang anim na taon, at multa na hindi bababa sa P500,000 ayon sa itatakda ng korte, o ang halagang katumbas ng kabuuang pinsalang natamo ng biktima, alinman ang mas mataas.
