Ni ESTONG REYES
PARA kay Senador Risa Hontiveros, walang batayan ang hinanakit ng kontrobersyal na Bamban Mayor Alice Guo sa di umano’y trato sa kanya ng mambabatas sa likod ng imbestigasyon kaugnay ng illegal POGO operations.
Partikular na tinukoy ni Hontiveros ang Facebook post ni Guo kung saan inilahad ng alkalde ang saloobin sa pagpapatuloy na pagdinig kung saan siya di umano ang puntirya ng ilang mambabatas.
Ayon kay Guo, “fixated” o nakatutok lamang sa kanya sina Hontiveros at Senador Sherwin Gatchalian, kasabay ng giit na hindi niya hangad magamit para sa kanilang mga political ambitions.
Todo-tanggi din ang suspended Bamban mayor na siya ang nasa likod ng mga pagbabanta sa buhay ni Gatchalian.
Tugon naman ni Hontiveros, hindi target ng pagdinig ang alkalde. Gayunpaman, inamin ng senador na siya’y bugnot sa mga taong sinungaling.
“Hindi siya fixated, allergic lang talaga ako sa mga sinungaling,” bwelta ni Hontiveros sa suspendidong mayor.
Ayon kay Hontiveros, hindi lamang minsan nabisto ang pagsisinungaling ni Guo sa mga ginanap na pagdinig ng Senate Committee on Women, Children, Family Relations and Gender Equality.
