WALANG puwang ang katiwalian sa isang sibilisadong lipunan.
Ito ang buod ng mensahe ng Sangguniang Bayan ng Angono, Rizal matapos patawan ng dalawang buwang “preventive suspension” ang isang punong-barangay na nahaharap sa reklamong “neglect of duty, misconduct and abuse of authority.”
Sa pinagtibay na resolusyon, suspendido si Kapitana Annaliza Intalan ng Barangay Kalayaan sa nabanggit na lokalidad.
Ayon sa dalawang barangay kagawad, pinuwersa umano sila ni Intalan lumagda sa mga dokumentong hinggil sa pinagkagastusan ng pondo ng barangay. Nang hanapan umano ng “supporting documents,” tumanggi anila ang kapitana maglabas ng patunay na naaayon sa panuntunan ng pamahalaan ang paggastos sa pondo ng barangay.
Wala pang opisyal na pahayag si Intalan.
Bago pa man lumabas ang 60-day preventive suspension order, naging tampulan ng batikos ang kapitana bunsod ng lumabas na CCTV footage kung saan tumambad ang aktwal na “pag-areglo” sa payroll ng barangay.
Matapos kumalat ang nasabing video, pinatawag ng Department of Interior and Local Government (DILG) si Intalan para magpaliwanag.
Sa ilalim ng Revised Penal Code, mahigpit na ipinagbabawal ang payroll padding na may karampatang parusa — kulong, multa at perpetual disqualification sa anumang pwesto sa gobyerno.
Samantala, nagbigay-paalala si Angono Mayor Gerardo Calderon sa mga opisyal at empleyado ng lokal na pamahalaan, gayundin sa mga kawani ng barangay.
Ayon sa alkalde, karapatan ng mga mamamayan alamin kung saan at paano ginastos ang kaban ng bayan.
“Kung wala tayong bulilyaso, wala din tayo dahilan magtago ng mga dokumento,” wika ni Calderon.
