DAPAT sampolan ang mga employers na ayaw magremit sa Social Security System (SSS) contributions na kinakaltas sa buwanang sahod ng mga empleyado.
Ito ang hirit ni ACT-CIS Rep. Erwin Tulfo matapos dumulog sa kanyang tanggapan ang halos 100 call center agents kaugnay ng di umano’y pagbabawas ng SSS contribution sa kanilang buwanang sahod pero di naman umano naire-remit sa naturang ahensya ng gobyerno.
“Just last week almost 100 na call center agents ang nagtungo sa opis namin para ireklamo ang kanilang kumpanya”, ani Tulfo.
“Nalaman lang daw nila na hindi nire-remit ng employer nila ang kanilang contribution dahil ng mag-loan sana ang ilan sa kanila, eh di raw naghuhulog si employer,” dugtong ng kongresista.
Mungkahi ni Tulfo, mahigpit na implementasyon ng batas na magpapataw ng parusang aabot sa 12 pagkakakulong sa mga delingkwenteng employers.
Bukod aniya sa mga call center agents, mayroon din umanong mga guro mula sa pribadong paaralan ang nagsumbong na walang hulog ang SSS nila.
“Paalala rin po sa mga employers diyan ng mga kasambahay, family drivers, at mga houseboy na kailangan bayaran din nila ang SSS ng mga tauhan nila sa bahay,” pahabol ni Tulfo.
