Ni ESTONG REYES
ASAHAN ang muling pagrampa ni Environment Secretary Maria Antonia Yulo-Loyzaga sa Senado kaugnay ng Manila Bay Reclamation projects na sinisisi sa malawakang pagbaha sa lungsod ng Maynila
Para kay Senador Grace Poe, higit na angkop magpaliwanag si Yulo-Loyzaga sa aniya’y tunay na estado ng mga programa ng kagawaran sa kalikasan.
Bukod sa Kalihim ng Department of Environment and Natural Resources (DENR), kabilang din sa mga inanyayahan sa pagdinig ng Senate Committee on Finance si geologist Mahar Lagmay ng Unibersidad ng Pilipinas.
Partikular na target ng senador ang paliwanag ni Sec. Loyzaga kung may kinalaman ang mga reclamation project sa Manila Bay sa pagbaha sa kabisera – partikular sa kahabaan ng Jose W. Diokno Boulevard.
Bukod sa baha, nais din aniyang marinig mismo sa bibig ng Kalihim kung bakit patuloy na nagtatambak ng lupa sa Manila Bay ang mga kumpanyang hindi naman ginawaran ng permiso ng kagawaran.
“Meron akong nababalitaan na ‘yung iba pinatuloy na ang reclamation, may mga ibang hindi pa rin pinapayagan. So gusto kong malaman sa DENR kung ano ba talagang status nito,” saad ng senadora.
Target din talupan ni Poe ang disaster mitigation expert na si Mangahas na una nang nagsabing dati nang binabaha ang lugar sa paligid ng senado bago pa man nagkaroon ng reclamation project sa Manila Bay.
“Nagkakaroon ng conflicting reports eh. Tama yung sinabi ng aming Senate Sergeant-at-Arms never daw nangyari na nagkaroon ng ganyang klase ng baha sa Senado,” sambit ng senadora sa isang panayam sa radyo.
“Sabi naman ni Mahar Lagmay, walang kinalaman daw ang reclamation diyan. Ipapatawag ko silang pareho para patas yung ating pagdinig,” babala pa niya.
Magsasagawa ng joint hearing ang komite ni Poe at ang Senate Committee on Public Works sa Martes, Hulyo 30.
