Ni LILY REYES
SALA sa init, sala sa lamig. Ito ang paglalarawan ng ilang netizens matapos magbanta ang tinaguriang Magnificent 7 ng malawakang tigil-pasada bilang protesta laban sa mga nagsusulong ipasuspinde ang Public Utility Vehicle (PUV) Modernization Program.
Sa isang pulong-balitaan, kinondena ni Pasang Masda president Roberto “Ka Obet” Martin ang naging pahayag ni Senate President Sen. Francis “Chiz” Escudero noong nakaraang linggo laban sa PUV Modernization Program.
Sa isang manifesto, nagbanta rin ang pitong transport groups na ibabasura na ang kandidatura ni Escudero at mga kapwa senador na pipirma sa mga susunod na halalan sa sandaling pagtibayin ng senado ang resolusyon na nagtutulak isantabi muna ang gobyerno ang PUV Modernization Program.
Bukod sa Pasang Masda, kabilang sa mga miyembro ng Magnificent 7 ang Alliance of Transport Operators and Drivers Association of the Philippines (ALTODAP), PISTON, Alliance of Concerned Transport Organization (ACTO), Federation of Jeepney Operators and Drivers Association of the Philippines (FEJODAP), Stop and Go Coalition, at Liga ng Transportation at mga Operators ng Pilipinas (LTOP).
Anila, hindi makatwiran suspindehin ang PUV Modernization Program lalo pa’t 80 porsyento ng mga operator at tsuper ang namuhunan ng malaki bilang pagtalima sa modernisasyon na isinusulong ng pamahalaan.
Gayunpaman, nilinaw ni Martin na mananatiling bukas ang Magnificent 7 sa pakikipag-usap sa pamahalaan para maiwasan ang malawakang tigil-pasada na inaasahang lalahukan ng hindi bababa sa 90 porsyento ng kanilang mga miyembrong nakabase sa Metro Manila.
Samantala, sinabi ni Nationals Center for Commuters Safety and Protection chairperson Elvira Medina na suportado ng kanilang hanay ang planong welga ng Magnificent 7 – kesehodang kulangin pa ang pampublikong transportasyon.
