MISTULANG palaisipan sa mga taong may transaksyon sa Department of National Defense (DND) ang umiiral na paghihigpit ng Armed Forces of the Philippines (AFP) sa loob ng Camp Aguinaldo sa Quezon City.
Batay sa bagong patakaran ng DND, bawal muna ang mga sibilyan sa loob ng punong himpilan ng Sandatahang Lakas ng Pilipinas. Pansamantalang sinuspinde din ng kagawaran ang aktibidad sa loob ng kampo, kasama na ang operasyon ng golf course.
Nagtalaga lang din ng dalawang gate na bubuksan – ang Gate 5 para sa DND at AFP personne, at Gate 6 para sa mga VIP, at miyembro ng media.
Una nang umugong ang usap-usapan kaugnay ng pagdating ng mga opisyales ng International Criminal Court (ICC) para isilbi ang warrant of arrest laban kay former President Rodrigo Duterte na nahaharap sa kasong crimes against humanity kaugnay ng extrajudicial killings sa panahon ng paninilbihan bilang Pangulo.
Nanawagan na rin si Vice President Sara Duterte (anak ng dating Pangulo) sa mga taga suporta para protektahan ang kanyang pamilya. Gayunpaman, hindi binanggit ng batang Duterte ang napipintong pagdating ng ICC – kasama ang Interpol na inatasan para ihain ang warrant of arrest.
