Ni LILY REYES
BANTAY-SARADO na sa Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) ang dalawang pangunahing bagsakan ng isda sa Metro Manila para tiyakin hindi papasok sa merkado ang mga lamang-dagat na kontaminado ng langis na tumagas sa karagatan ng Bataan.
Partikular na tinukoy ni Assistant Secretary Arnel De Mesa na tumatayong tagapagsalita ng Department of Agriculture ang bagsakan ng isda sa Navotas at Paranaque na aniya’y tinututukan ng mga mga kawani ng naturang ahensya.
Ayon kay De Mesa, binakuran na rin aniya ng BFAR ang pagbiyahe ng mga isda, sea shells at iba pang lamang dagat na nakuha sa mga bayan ng Rosario at Noveleta sa lalawigan ng Cavite patungo sa Metro Manila..
“Sa ngayon binabantayan maigi ng BFAR iyong landings natin dito sa Navotas at sa ibang lugar para masigurong ligtas sa epekto ng oil spill,” wika ni De Mesa sa Bagong Pilipinas press briefing.
Una nang nagpairal na fishing ban sa mga lugar na apektado ng oil spill.
“Iyong mga shellfish natin, iyong tahong, talaba, itong mud crab, blue crab at saka iyong mga clams, medyo ito yung Ipinagbawal ng BFAR ngayon. Ang delikado dito iyong food poisoning,” aniya pa.
Samantala, tiniyak ng nasabing opisyal na patuloy ang isinasagawang sensory testing at evaluation bilang bahagi ng contingency measures na inilatag ng pamahalaan.
