Ni LILY REYES
MULING nanawagan si Mayor Joy Belmonte sa ibayong pag-iingat sa mga karamdamang karaniwang sumusulpot sa tuwing sasapit ang panahon ng tag-ulan – kabilang ang leptospirosis na aniya’y dahilan sa pagpanaw ng 13 residente ng Quezon City.
Sa datos ng Quezon City Epidemiology and Surveillance Unit (QCESU), anim ang nasawi matapos tamaan ng leptospirosis mula sa District 5 – tatlo mula sa Brgy. Nagkaisang Nayon, tig-isa sa Brgy. Bagbag, Fairview at San Agustin.
Meron din anilang tatlong binawian ng buhay sa District 2 – dalawa sa Brgy. Commonwealth at isa sa Brgy. Payatas B, habang dalawa sa District 4 mula sa Barangay Laging Handa at San Vicente at isa sa Brgy. E. Rodriguez sa District 3 at Brgy. Tandang Sora sa District 6.
Ayon sa QCESU, nasa 150 ang naitalang kumpirmadong kaso ng leptospirosis sa lungsod mula Enero 1 hanggang Agosto 1, 2024.
Pakiusap ni Belmonte sa mga residente ng lungsod, magsuot ng proteksyon sa paa sa tuwing lulusong sa baha.
