Ni ROMEO ALLAN BUTUYAN II
PARA kay AGRI partylist Rep. Wilbert Lee, hindi tamang bawasan, bagkus ay kailangan taasan pa ang budget na inilaan para sa sektor ng agrikultura partikular sa ilalim ng 2025 National Expenditure Program.
S ginanap na briefing ng Development Budget Coordination Committee (DBCC) sa Kamara, lumalabas na tinapyasan ng P10.4 bilyon ang panukalang budget para sa kagawarang may kinalaman sa agrikultura.
Mula aniya sa P221.7 bilyon para sa kasalukuyang taon, bibigyan lang ng P211.3 bilyon ang Department of Agriculture (DA) at Department of Agrarian Reform (DAR), batay sa nilalaman ng 2025 NEP na isinumite ng Department of Budget and Management (DBM) sa Kamara.
Sa ilalim ng 2025 NEP, tumataginting na P6.352-trillion ang hirit ng administrasyon sa Kongreso.
“Kahapon sa DBCC (Development Budget Coordination Committee) briefing, natalakay itong pagkaltas sa pondo ng agrikultura. Nakahanda po tayong amyendahan ang budget para dito para madagdagan at maiwasto dahil para sa atin, ito ang dapat na prayoridad at dagdagan ng suporta ng gobyerno,” pahayag ni Lee.
“With this year’s drought brought about by the El Niño and the La Niña in the coming months, we need adequate financial support to boost productivity and re-energize the sector to achieve food sufficiency and food security,” giit pa ng Bicolano lawmaker.
Nagpasaring din ang kongresista sa DBM. Aniya, malayong-malayo ang P211.3 bilyon kumpara sa P513.81 bilyon na hirit ng DA. Ang masklap pa aniya, may mga kahati pa ang kagawaran sa kakarampot na pondong pantustos sa food security program ng administrasyong Marcos.
“We are supportive of the original proposed budget for the DA, especially since around P225.83 billion out of the target P513-billion budget was supposed to be for agricultural modernization as well as to improve the anti-smuggling efforts of DA’s bureaus,” ani Lee.
Binigyan-diin ng AGRI partylist lawmaker na marapat mag-invest sa agrikultura at ibayong suportahan ang mga magsasaka at mangingisda “upang tumaas ang kanilang produksyon, hindi na masyadong aasa sa imported, bababa ang presyo ng pagkain at iba pang bilihin, at gagaan ang pasanin ng ating mga kababayan.”
“Ang pinakamabisang solusyon sa inflation ay pagtulong sa mga magsasaka at mangingisda—ang ating food security soldiers. Kaya kailangan na laging top priority ang agrikultura. Sa pangunguna ng ating food security soldiers, murang pagkain, gawin na natin!” pagtatapos ni Lee.
