Ni ROMEO ALLAN BUTUYAN II
SA gitna ng di maawat na food inflation, kumbinsido ang isang partylist congressman na posible pa rin magkaroon ng sapat at abot-kayang pagkain kung masasawata ng pamahalaan ang talamak na smuggling, hoarding, price manipulation at kartel.
Matapos ratipikahan ng Senado ang panukalang Anti-Agricultural Economic Sabotage Act, naglabas ng babala si Agri partylist Rep. Wilbert Lee sa mga ganid at mapagsamantalang negosyante – “bilang na ang araw niyo.”
Partikular na tinukoy ni Lee ang mga probisyong magbibigay ng malakas na kapangyarihan sa pamahalaan para tugisin at papanagutin sa batas hindi lamang ang mga agri-smuggler kundi maging ang mga nagmamanipula sa suplay at presyo ng mga produktong agrikultura.
“Dapat habulin at panagutin ang mga demonyong pumapatay sa kabuhayan ng ating local food producers at pabigat sa consumers. Filipinos deserve this law to be implemented because they deserve to be able to have access to basic needs that they need to survive,” pahayag ni Lee.
Nauna nang inihambing ng AGRI partylist solon ang mga hoarders at price manipulators ng agricultural goods sa ‘demonyo’, na dapat agarang masakote at patawan ng pinakamabigat na kaparusahan.
“Parang walang katapusan ang pagtaas ng presyo ng pagkain at iba pang bilihin, na lalong pinapalala ng mga walanghiyang smugglers and hoarders. Marami na ngang hirap sa buhay, lalo pa nilang pinapabigat ang pasanin ng ating mga kababayan. Demonyo lang talaga ang mag-iisip na ayos lang magutom ang kapwa basta kumita sila,” sabi pa ni Lee.
“Pirma na nga lang po ng Pangulong Bongbong Marcos ang hihintayin natin at ganap nang maisasabatas ang mas pinalakas na Anti-Agricultural Smuggling Law. Panahon na para ipakulong ang mga nasa likod ng mga krimeng nagpabagsak sa kabuhayan ng ating mga magsasaka, mangingisda, at sa ating ekonomiya. Dapat lahat sila masampolan!”
Una nang inihain ni Lee ang House Resolution 1600, na humihiling na magsagawa ng pagsisiyasat ang Kamara hinggil sa nagaganap na online selling ng smuggled na sibuyas, para na rin protektahan ang mga lokal na magsasaka at mamimili.
“Panahon na para putulin ang sungay ng mga agri-smugglers, hoarders at price manipulators. Sapat na kita at proteksyon sa local food producers at consumers, gawin na natin. Murang pagkain, gawin na natin!” pahabol ng kongresista.
