
HINDI malayong muling kapusin ng nurse ang Pilipinas sa bisa ng kasunduang nilagdaan ng Pilipinas at bansang Singapore kung saan may mataas na demand ng mga healthcare workers.
Gayunpaman, iba ang pananaw ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa napipintong pagdagsa ng mga Pinoy nurses patungo sa ibang bansa. Aniya, isang oportunidad sa hanay ng mga Pilipinong healthcare workers ang pagtatrabaho sa Singapore kung saan higit na mataas buwanang sweldo.
Sa isang Memorandum of Understanding (MOU) na nilagdaan ni Department of Migrant Workers (DMW) Secretary para sa Pilipinas at Health Minister Ong Ye Kung ng Singapore, inayunan ng pamahalaan ang recruitment ng mga Pinoy healthcare workers para sa naghihintay na trabaho sa naturang bansa.
Tumayong saksi sa pormal na pirmahan sa Palasyo sina Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at Singapore President Tharman Shanmugaratnam.
Taong 2021 nang mapagtanto ng pamahalaan ang malaking kakulangan ng mga healthcare professionals na kinailangan para tumugon sa hamon ng nakamamatay na pandemya.
Pag-amin ng Department of Health (DOH), patuloy ang pagsipa ng bilang ng mga Pinoy nurses na nais magtungo sa ibang bansa kung saan higit na malaki ang kita.