Ni ESTONG REYES
TIMBOG sa bansang Indonesia ang kapatid ng sinibak na Bamban Mayor Alice Guo, kasama ang isang corporate executive ng sinalakay na POGO hub sa Porac, Pampanga, ayon kay Senador Raffy Tulfo.
Partikular na tinukoy ni Tulfo sina Sheila Leal Guo at Katherine Cassandra Li Ong na kasosyo ng Lucky South 99 Outsourcing Inc. sa bayan ng Porac.
Ayon kay Tulfo, dinakip ng Indonesian Immigration agents sina Sheila Guo at Ong sa Mega Mall Batam Centre sa Riau, Indonesia noong Agosto 20, 2024. Gayunpaman, hindi umano kasamang nadakip ang target ng operasyon – si dating Mayor Alice Guo na di umano’y mabilis na nakapuslit.
Aniya, pumasok sa Jakarta sina Alice Guo, Sheila Guo at Cassie Ong mula Singapore sakay ng cruise ship.
Bago pa man nangyari ang pagdakip, lumiham kamakalawa sa Indonesian Immigration ang pamahalaan ng Pilipinas. Hirit ng Pinas sa Indonesia, manmanan ang tatlo at sakaling mahuli ay agad na ideport pabalik ng Maynila para harapin ang santambak na kaso.
Halos alas 5:00 ng hapon naman kahapon nang lumapag sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 1 ang eroplano mula sa Jakarta sakay sina Sheila Guo at Ong.
Paglabas ng eroplano, agad na dinakip sa bisa ng warrant of arrest at dinala sa Bureau of Immigration (BI) para sa angkop na documentation bago ihatid sa National Bureau of Investigation (NBI).
Samantala, hiniling ng quad committee ng Kamara de Representantes na ikulong sa Batasan si Ong, kasabay ng hirit ng senado sa ulo ng kapatid na babae ng puganteng mayor.
“We found a connection between Alice Guo and Katherine Cassandra Li Ong, which means that Bamban and Porac are closely related. Despite all the denials of former secretary [Harry] Roque, it appears that they are really intimately related,” wika Justice Secretary Crispin Remulla.
