TARGET ng pamahalaan gamitin ang mga arestadong hackers sa pagsagupa sa lumalalang problema ng cybercrime, ayon kay Assistant Secretary Renato Paraiso na tumatayong tagapagsalita ng Department of Information and Communications (DICT).
Bukod sa pangontra kontra kapwa hacker, puntirya din ng ahensya bigyan ng trabaho ang mga kalabosong cybercriminals para palakasin ang websites ng iba’t ibang ahensya ng pamahalaan na kadalasang target di umano ng cyberattacks.
Gayunpaman, nilinaw ni Paraiso na higit na kailangan ng DICT ang mas malaking intelligence fund para maisakatuparan ang plano.
Paliwanag ng DICT spokesperson, sa intelligence fund manggagaling ang sweldo at operational logistics na gagamitin ng mga hackers na bibigyan ng trabaho.
“Ang mga nahuhuli nating hackers at yung mga magagaling na hackers, not formally educated. Unang-una, hindi sila papasa sa civil service requirement. Kung makakuha ka naman ng exemption, yung salary naman nila, pag dinala sa labas ang daming kukuha sa kanila na mas malaki ang sweldo,” wika ni Paraiso.
“Ang isa sa mga tinitingnan naming creative ways ang paggamit ng intelligence fund. Yan Naman talaga ang gamit ng intelligence fund. Sa kasamaang palad, walang line item na confidential o intelligence funds ang DICT,” dugtong pa ng opisyal.
Una nang ibinasura ng Kongreso ang P300 milyong confidential and intelligence (CIF) na hirit ng DICT sa Kongreso.
“Ang DICT is imbued with an intelligence purpose kasi itong pag-gather in info about ongoing threats globally, minomonitor namin `yan so we employ intel assets. We’re finding it very creative to fulfill our mandate.”
